Babae binoga sa harap ng RTC, kritikal

Duguang nakadapa ang babaeng biktima matapos itong barilin sa ulo ng di-kilalang lalaki na nakamotorsiklo habang ito ay tumatawid sa kalsada patungo sa regional trial court para dumalo sa hearing kahapon. Cristina Timbang

CAVITE, Philippines  – Agaw-buhay ang isang mestiza matapos itong barilin sa ulo ng di-kilalang motorcycle rider sa harap ng regional trial court sa Barangay Tabing Dagat, Bacoor City, Cavite kahapon ng hapon.

Kinilala ni P/Supt. Rommel Estolano, hepe ng Bacoor City PNP ang biktima na si Angelita Grive ng Portofino Heights, Barangay Molino III sa nabanggit na lungsod.

Ang biktima ay patuloy na isinasalba ang buhay sa Crisostomo General Hospital sa Bacoor City sanhi ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa ulo.

Base sa police report, papatawid ang biktima sa Evangelista Highway malapit sa St. Michael Church nang biglang sumulpot ang gunman na lulan ng kulay pulang motorsiklo na walang plaka. Napag-alamang dadalo sa court hearing ang biktima nang barilin sa gitna ng kalsada sa harap ng RTC.

Kasalukuyan pang na­ngangalap ng impormas­yon ang pulisya kaugnay sa naganap na pamamaril habang hindi naman makausap ang kasamang babae ng biktima dahil sa pagkabigla ng insidente. Dagdag ulat Joy Cantos

Show comments