ABC president itinumba

MANILA, Philippines - Napatay ang beteranong presidente ng Association of Barangay Chairman habang sugatan naman ang dalawang bystander matapos tamba­ngan ng tatlong di-kilalang lalaking sakay ng motorsiklo sa Calbayog City, Samar kamakalawa.

Sa ulat ng Samar PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Chairman Justiniano Belleza ng Barangay Carayman habang sugatang naisugod sa ospital ang da­lawang bystander na sina Benido Domayan at Francisco Taduyo na tinamaan ng ligaw na bala.

Base sa imbestigasyon, bandang alas-9:45 ng umaga nang harangin at ratratin ang biktima pagsapit sa harapan ng Legislative Building sa kahabaan ng Bugallon Street.

Kaagad na tumakas ang gunmen lulan ng motorsiklo habang sinisilip naman ng mga imbestigador ng pulis­ya ang anggulong alitan sa pulitika.

Show comments