Jailbreak: 16 preso pumuga

MANILA, Philippines - Labing-anim na preso ang iniulat na pumuga makaraang samantalahin ang isinasagawang Bible study  sa naganap  na jailbreak  sa Calbayog City, Samar kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga pugante na may iba’t ibang kasong kriminal ay sina Eddie Cagomoc, Palang Delos Reyes, Boy Pintuan, Parag Cuanico, Nelwin Juanerio, Miemie Juligado, Edwin Abria, Pinote Salsalejo, Gerry Dealagdon, Omang Carpio, Ian Panti, Joey Agas, Efren Pante, Malix Lucente, Dindo Calagos at isa pang hindi natukoy ang pangalan.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Henry Losanes, naganap ang jailbreak dakong alas-9:20 ng umaga sa Calbayog City Jail sa Barangay Gadgaran.

Ayon sa imbestigasyon, sinamantala ng mga preso ang Bible study ng mag-asawang Salurio mula sa Bible Baptist Church sa Calbayog City kung saan Isang inmate ang bigla na lamang sumugod kay Jail Officer 1 Galindes kung saan  puwersahang inagaw ang cal. 9mm pistol nito.

Gayon pa man, habang nakikipagbuno ang preso kay Galindes ay sinugod naman ng iba pa nitong kasamahang bilanggo ang guardhouse ng bilangguan.

Sa tala ni P/Supt. Elmer Cinco, kabilang sa tinangay na mga baril ay dalawang M16 rifles, shotgun, cal.9mm pistol mula sa mga jailguard.

Nagsasagawa na ng manhunt operations ang pulisya laban sa mga  pumugang preso kung saan nakikipag-ugnayan na rin sa pamilya ng mga ito na kumbinsihing sumuko.

Show comments