Ex-beauty queen niratrat ng tandem

Cervantes

BULACAN, Philippines - – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang dating beauty queen at ngayon ay municipal councilor makaraang ratratin ng motorcycle-riding gunmen sa bahagi ng Barangay San Isidro II, bayan ng Paombong, Bulacan noong Martes ng gabi.

Naisugod naman sa Divine Word Hospital sa Barangay San Pablo ang biktimang si Councilor Francis Dianne Cervantes, 32, ex-Miss Earth Phils.-Fire noong 2006 at nakatira sa Barangay Mercado sa ba­yan ng Hagonoy, Bulacan.

Dahil sa maselang kalagayan ay inilipat ang biktima sa Bulacan Medical Center bago dinala sa University of Santo Tomas Hospital sa Maynila.

Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Joel Orduna, Bulacan PNP director, lumilitaw na kaangkas sa motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin ng dalawang lalaking lulan din ng motorsiklo.

Nabatid na bibisita ang biktima sa mga kaanak nito sa Long Valley Subd. sa Brgy. San Isidro II nang maganap ang pananambang  habang hindi naman idinamay ang driver ng motorsiklo habang patuloy naman ang pagsisiyasat.

Show comments