Anak tinadtad ng ama

MANILA, Philippines - Brutal  na kamatayan ang sinapit ng 31- anyos na anak na sinasabing adik sa alak matapos itong pagtatagain ng sariling ama dahil sa kahihiyang idinudulot sa pamilya sa Barangay Salvacion, Tandag City, Surigao del Sur kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Larry Montejas habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Danelito Montejas, 57, kap­wa nakatira sa Purok Papaya sa nabanggit na lungsod.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, tuluyang napundi ang matandang Montejas sa sobrang pagkasugapa sa alak ng anak na nanggugulo sa kanilang lugar sa tuwing malalasing at nagdudulot ng kahihiyan sa kanilang pamilya.

Naghamon pa ng saksakan ang biktima laban sa mga kapitbahay habang hawak ang patalim kung saan wala namang kumasa ay umuwi na ito.

Nag-ingay pa ang seng­lot na biktima sa kanilang tahanan hanggang sa mapagod at akmang matutulog na nang daluhungin ng sunud-sunod na taga ng sarili nitong ama hanggang sa mapatay.

 

Show comments