7 tauhan ng BuCor, sibak sa ‘strip search’
Sa reklamo ng 2 babaeng dalaw sa NBP
MANILA, Philippines — Pitong babaeng correction officers o prison guards ng Bureau of Corrections ang sinibak sa puwesto upang bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon sa “strip cavity search” na ipinatutupad sa New Bilibid Prison (NBP) na inireklamo ng dalawang maybahay ng political prisoners sa Commission on Human Rights.
Ito’y kasunod ng utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. nitong Martes, hinggil sa nasabing protocol na ipinatutupad sa lahat ng pasilidad ng kulungan at penal farm sa bansa para sa mga bisitang dumadalaw sa person deprived of liberty (PDLs).
Ang relieve order na nilagdaan ni CCInsp. Ruben Formoso, OIC-Acting NBP Superintendent, sinibak sa puwesto sina Correction Officers 1 Karen Soriano, Kiera Iket, Odesa Etong, Ahmor Darasin, Guada Bello, Melowyne Tallongan, at Angelique Domingo. Sila ay ilalagay sa ilalim ng “attached/unassigned” sa NBP Superintendent’s Office.
Katuwiran ni Catapang, ang strip search ay ipinatutupad ng kanyang mga tauhan, dahil kailangan upang maiwasan ang pagpuslit ng mga kontrabando, at sa kawalan ng mga body scanner ay manu-mano ang ginagawang proseso pansamantala.
Ipinakita naman sa media ni CSr. Insp. Abel Ciruela, camp commander ng NBP- Maximum Security Camp sa walkthrough nitong Martes kung paano nagsasagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng BuCor sa mga bisita ng PDLs.
Sinabi ni Ciruela na ang strip cavity search ay ginagawa sa lahat ng mga bisita mula noong 2018, ngunit dahil sa dami ng mga kontrabando na nakukumpiska sa loob ng kampo at mga bisitang nahuling nagtangkang magpuslit ng mga kontrabando, ang strip cavity search ay naging “mandatory”.
Ipinunto ni Ciruela na ang mga bisita ng PDL ay binibigyan ng waiver ng karapatan sa frisk/pat, rub, strip at/o visual cavity search at ang mga hindi boluntaryong nagsumite ng kanilang sarili upang sumailalim sa nasabing body search ay maaaring makakuha ng BuCor’s E-Dalaw o online visit.
Iniutos na rin ni Justice Sec. Jesus Crispin “Boying” Remulla ang masusing imbestigasyon sa strip search na ipinatutupad ng BuCor. Aniya, hindi nila ito-tolerate ang mga prison guards sakaling mapatunayang guilty sa pag-abuso sa kanilang awtoridad.
- Latest