3 magkakaanak, patay sa kinaing butete!
4 pa nakaratay sa ospital
LIBON, Albay, Philippines — Patay ang tatlong magkakamag-anak habang apat pa kabilang ang dalawang menor-de-edad ang isinugod sa pagamutan matapos malason sa kinaing ulam na isdang butete sa Zone-3, Brgy.Tambo, Libon, Albay kamakalawa ng umaga.
Nasawi dahil sa tindi nang nakaing lason ang mag-asawang sina Tirco Uizon, 49-anyos, mangingisda at Izza, 47-anyos; at Lui Lumaca, 38-anyos, mangingisda, pawang residente ng naturang barangay.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Bicol Regional Hospital and Medical Center sa Legazpi City ang iba pang biktima na tinukoy lang sa mga pangalang Teresa, 23; Dinmar, 13; Tere, 21; at isang 10-anyos na batang lalaki.
Sa ulat, pumalaot at nangisda si Tirco na nakahuli ng isang butete o puffer fish. Agad itong niluto ng kanyang misis na hindi na hinugasan at tinanggal pa ang mga lamanloob ng isda.
Dakong alas-11 ng umaga matapos maluto ay agad nagsalu-salo sa maagang pananghalian ang magkakaanak na ulam ang naturang nilutong isda. Ilang sandali lang ay nakaramdam ng matinding sakit ng tiyan at nagsusuka ang lahat ng biktima kaya mabilis silang isinugod sa Pantao District Hospital kung saan idineklarang dead-on-arrival si Lui.
Alas-5 ng hapon ay pumanaw naman si Tirco habang mag-aalas-8 ng gabi ay sunod na namatay si Izza.
Dahil sa maselang lagay ay inilipat ang apat na iba pa sa BRHMC para sa kaukulang medical na atensyon. Ayon kay Dra.Joanna Cornelio Bobis ng Pantao District Hospital ay “puffer fish poisoning” ang ikinasawi ng tatlo.
Ang butete ay kilala na isang isdang nakalalason na sinasabing mga eksperto lang ang maaaring magproseso nito sa paglilinis at pagluluto tulad ng ginagawa sa Japan.
- Latest