Mobile jail, inihanda ng PNP vs pasaway na protesters
MANILA, Philippines — Magde-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng Mobile Jail sa Maynila para sa mga pasaway at manggugulo sa gaganaping inagurasyon ngayon ni incoming president Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa ginanap na press conference sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO Director Major General Felipe Natividad ng Subcommittee on Security, Traffic and Communications for the Presidential Inauguration, kailangan nilang gawin ito upang agad na mapigil ang sinumang nais idiskaril ang okasyon.
Ayon kay Natividad nakipag-ugnayan na sila sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at isang bus ang nakaantabay at idedeploy malapit sa inauguration site para magsilbing holding area kung may mga maaresto dahil sa panggugulo.
Gayunman, tiniyak ni Natividad, ipatutupad nila ang maximum tolerance.
Nilinaw naman ni Manila Police District Director Brig. Gen. Leo Francisco na ang pag-aresto sa mga manggugulo ay last resort lamang.
Una nang sinabi ng PNP na papayagan nila ang protesta sa freedom parks at hiniling na isagawa ito nang maayos.
Kung may magtatangkang lumabas sa designated area, o manggugulo, pakikiusapan muna ito ng mga pulis, at kung magmatigas ay saka lang aniya aarestuhin.
- Latest