Dolomite Beach planong gawing vaccination site
MANILA, Philippines — Pinaplano na rin ngayon ni Manila City Mayor Isko Moreno na gawing ‘vaccination site’ para sa mga menor-de-edad at mga senior citizen ang Manila Bay Walk Dolomite Beach.
Sinabi ni Moreno na mas mainam na mapakinabangan ang denibelop na beach bilang vaccination site dahil sa pagiging ‘open space’ nito. Matapos makapagpabakuna, maaaring mag-relaks muna ang tao sa beach.
“Kung feasible, bakit hindi? That’s a very good idea? Tapos na ba ‘yung construction nila, safe ba sa mga tao? ‘Yun naman ang concern natin palagi eh, ‘yung safety ng mga tao,” mungkahi ni Moreno.
“Pansinin nyo, kapag pumipili tayo ng lugar, secluded halos lagi ‘yung mga lugar. Geographically feasible sa gagawing function doon sa particular na action plan, Pero okay ‘yun, bakunahan sa dolomite,” katwiran pa ng alkalde.
Ito ay makaraang buksan ni Moreno ang Manila Zoological and Botanical Garden bilang ‘vaccination site’ at pasyalan na rin pagkatapos ng tao matapos nilang magpabakuna.
Patuloy na hinikayat ng alkalde ang publiko na magba-booster shot na para may dagdag na proteksyon laban sa bagong Omicron variant ng COVID-19.
Ipinaalala niya sa mga manggagawa na bagama’t hindi na sila kasali sa ‘no vaccination, no ride policy’, hindi naman umano ito dahilan para hindi na sila magpabakuna kahit kailan.
- Latest