Ongpin kinasuhan na sa ilegal na droga
MANILA, Philippines — Pormal nang sinampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ) si Julian Ongpin, dahil sa posesyon ng ilegal na droga.
Base ito sa reklamong inihain ng Philippine National Police (PNP) ukol sa pagkakatagpo ng 12 gramo ng cocaine sa kaniyang inuupahang kuwarto sa isang beach resort sa La Union. Dito rin natagpuan ang walang buhay niyang kasintahan na si Bree Jonson noong Setyembre.
Ayon sa DOJ, isasampa ang kaso laban kay Ongpin sa San Fernando, La Union Regional Trial Court.
Hindi papayagan ang pansamantala niyang kalayaan dahil sa ‘non-bailable’ ang kasong inihain sa kanya.
Matatandaan na ‘person on interest’ din si Ongpin sa pagkamatay ni Jonson na unang iniulat na nasawi dahil sa suicide noong Setyembre 22.
Pero naniniwala ang ina ni Jonson na hindi nagpatiwakal ang anak at nakipagpambuno siya tanda ng mga sugat sa braso ni Ongpin. Iginiit naman ni Ongpin na nakuha niya ang mga sugat nang puwersahan niyang buksan ang pinto ng banyo ng kuwarto para masaklolohan si Jonson nang magkandado ito.
- Latest