Gilas itutuloy ratsada vs Iran

Magtutuos ang Gilas Pilipinas at Iran sa alas-5 ng hapon.

MANILA, Philippines — Pakay ng Gilas Pilipinas na maipagpatuloy ang matikas na ratsada nito sa pagsagupa sa Iran nga­yong araw sa fifth window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers sa Karisma  Arena sa Seremban, Malaysia.

Magtutuos ang Gilas Pilipinas at Iran sa alas-5 ng hapon.

Galing ang Gilas sa impresibong 97-58 panalo laban sa Syria noong Biyernes kung saan nagpaulan ang Pinoy squad ng 14 three-pointers.

Ang panalo ang nagdala sa Gilas Pilipinas sa No. 3 spot sa Group E tangan ang 5-4 rekord kasalo ang Iran at Jordan.

Umarangkada si Kevin Quiambao na nagtala ng 18 puntos lahat galing sa three-point territory habang naglista naman si Kai Sotto ng double-double na 18 puntos at 10 rebounds.

Maganda rin ang simula ni naturalized player Bennie Boatwright  na naglista ng sariling double-double na 16 puntos at 13 rebounds.

“We brought by far our best team I think and we just controlled the boards, and we won at 60-30,” ani Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.

Alam ni Cone na mapapalaban ng husto ang kanyang bataan kontra sa Iran.

Kaya naman bantay-sarado ang coaching staff sa laban ng Iran at Australia para mapag-aralan ang galawan ng Middle Eastern country.

Galing naman ang Iran sa 67-84 demolisyon sa kamay ng Australia sa kanilang huling laro.

Show comments