Eala sinapawan si Vekic sa Berlin

MANILA, Philippines — Pinatumba ni World No. 35 Alex Eala si No. 33 Donna Vekic ng Croatia, 7-5, 6-4, sa Round of 32 ng Berlin Open kahapon.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Pinay tennis sensation kay Vekic sa pagpapatuloy ng kanyang grass-court campaign.

Nauna nang tinalo ng 21-anyos na si Eala, isang wildcard entry sa nasabing WTA 500 tournament, ang 29-anyos na si Vekic, 4-6, 6-4, 6-4, sa nakaraang SB Classic noong Enero.

Sunod na lalabanan ni Eala sa second round si World No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan para sa kanilang rematch.

Nauna nang minalas si Eala kay Rybakina, 4-6, 3-6, sa clay court sa Italian Open noong Mayo.

Si Rybakina, ang No. 2 seed player sa Berlin Open, ay nakatanggap ng first-round bye.

Sa first set, kinuha ni Vekic, nagmula sa pag­rereyna sa katatapos la­mang na 2026 HSBC Championships sa England, ang 5-4 abante bago inagaw ni Eala ang sumunod na tatlong laro para sa 7-5 panalo.

Kaagad hinataw ng Pinay netter ang 3-1 bentahe sa second frame patungo sa 5-3 kalamangan matapos makadikit ang Croatian sa 3-4.

Huling nakadikit si Vekic sa 4-5 at iposte ang 40-0 bentahe.

Ngunit kagaya ng inaasahan, bumangon si Eala at nakatabla sa 40-40 para tuluyan nang tapusin ang laban sa 6-4.

Nanggaling si Eala sa pagkopo sa kanyang ikalawang WTA 125 title matapos talunin si Nikola Bartunkova, 5-7, 6-3, 7-5, sa Birmingham Open final.

Maagang nasibak ang Filipino tennis ace sa WTA 500 HSBC Championships nang makalasap ng 2-6, 2-6 pagkatalo sa kanyang matalik na kaibigan na si  American rising star Iva Jovic sa Round of 16.

Show comments