Creamline diniskaril ang Choco Mucho

Hinatawan ni Alyssa Valdez ng Creamline si Mars Alba ng Choco Mucho.
PVL photo

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagdomina ng nagdedepensang Creamline sa sister team Choco Mucho.

Diniskaril ng Cool Smashers ang pag-entra ng Flying Titans sa semifinals matapos kunin ang 25-17, 25-22, 25-19 panalo sa 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Confe­rence kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Humataw si Tots Carlos ng 21 points mula sa 18 attacks at tatlong blocks para banderahan ang defending champions sa harap ng 17,396 fans na sumaksi sa kanilang back-to-back wins sa Big Dome.

Tabla sa tuktok ng team standings ang Creamline at Choco Mucho sa magkapareho nilang 8-2 record kasunod ang PLDT (7-2), Petro Gazz (7-2) at Chery Tiggo (7-2).

Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Cool Smashers na tumapos sa four-game winning streak ng Flying Titans.

May 12-0 record nga­yon ang Creamline sa kanilang head-to-head battle ng Choco Mucho.

 Samantala, humataw sina Trisha Tubu at Caitlyn Viray ng pinagsamang 24 points para akayin ang Farm Fresh sa 25-10, 25-15, 25-22 paggiba sa Strong Group Athletics.

Umiskor si Tubu ng 13 markers mula sa 12 attacks at isang block habang may 11 markers si Viray para pigilan ang limang dikit na kamalasan ng Foxies at ilista ang 3-7 record.

Show comments