Lillard pasikat sa panalo ng Bucks

DETROIT — Tumapos si Damian Lillard na may 45 points at 11 assists para pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 141-135 pagtakas sa determinadong Pistons.

Si Lillard ang unang player sa Bucks history na tumapos na may higit sa 40 points, 10 assists at limang three-pointers sa isang laro.

Nag-ambag si Giannis Antetokounmpo ng 31 points, 10 rebounds at 9 assists habang may 19 markers si Brook Lopez para sa ikaapat na panalo ng Milwaukee (29-13) sa huling limang laro.

Umiskor si Alec Burks ng 33 points sa panig ng Detroit (4-38) na nakahugot kay Ausur Thompson ng career-high 22 markers at may 19 at 18 points sina Bojan Bogdanovic at Jaden Ivey, ayon sa pagka­kasunod.

Ang back-to-back 3-pointers ni Mike Muscala ang nagbigay sa Pistons ng 106-105 abante sa pagbubukas ng fourth period bago naagaw ng Bucks ang 134-126 kalamangan sa pagbibida ni Lillard sa huling 2:11 minuto.

Sa Minneapolis, humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points sa 102-97 pagsapaw ng Oklahoma City Thunder (29-13) sa Minnesota Timberwolves (30-12).

Sa Houston, nagpasabog si Alperen Sengun ng career-high 37 points at game-high 14 rebounds sa 127-126 overtime win ng Rockets (20-21) sa Utah Jazz (22-22).

Show comments