Embiid sinapawan si Jokic at ang Nuggets
PHILADELPHIA — Solidong opensa ang inilabas ni Joel Embiid para umangat sa tagisan ng mga MVP candidates nang magbuhos ito ng 47 puntos at pangunahan ang 76ers sa 126-119 tagumpay laban sa Denver Nuggets.
Nagposte rin si Embiid, tumapos na runner-up kay two-time NBA Most Valua-ble Player Nikola Jokic ng 18 rebounds para tulungan ang 76ers na makaahon sa 15-point halftime deficit tungo sa kanilang ikapitong sunod na panalo na nagbigay sa 76ers ng 34-16 kartada.
“He’s really talented,” ani Jokic kay Embiid.
Tumapos si Jokic ng 24 puntos, walong rebounds at siyam na assists para sa Nuggets, natalo ng tatlo sa huling apat na laro.
Nagdagdag si Jamal Murray ng 22 puntos.
Nagsimulang humataw si Embiid sa second half nang mahabol ng 76ers ang bentahe ng Nuggets.
Kumana ng step-back jumper si Embiid para itabla ang iskor sa 110-110 sa huling 5:48 minuto ng laro.
Iniskoran ni Embiid si Murray, ng fast break para iangat ang 76ers na sinundan ng isang tres sa harapan ni Jokic na nagbigay sa Philadelphia ng 125-117 abante may 30.1 segundo na lang sa laro.
Sa Boston, umiskor si Jaylen Brown ng 37 puntos, tampok ang three-point play may 4.1 segundo ang natitira sa regulasyon para itakas ang NBA-leading Celtics (36-15) sa 125-121 panalo laban sa Los Angeles Lakers sa overtime.
Sa iba pang resulta, sinamantala ng Utah Jazz ang pagkawala ni Luka Doncic (sprained left ankle) para igupo ang Dallas Ma-vericks, 108-100 habang kinaldag ng Chicago Bulls ang Orlando Magic, 128-109.
- Latest