Obiena gumiba ng Philippine record sa Germany
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagsikwat sa gold medal ay naglista rin si Olympic Games-bound pole vaulter Ernest John Obiena ng bagong Philippine outdoor record.
Ipinoste ni Obiena ang 5.85 metro para sikwatin ang gintong medalya sa Jump and Fly competition sa Mossingen, Germany at itala ang bagong national outdoor mark.
Sinira ng 6-foot-2 national pole vaulter ang sarili niyang Philippine record na 5.81m na isinumite noong 2019 sa isang torneo sa Chiara, Italy para angkinin ang Olympic berth.
Nakuntento si German bet Zernikel Oleg sa silver medal sa itinalang 5.70m at nagsosyo sina Kass Philip at Human Tom Linus sa bronze sa magkapareho nilang 5.40m.
Ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist din ang may hawak ng national mark sa indoor pole vault sa kanyang 5.86m na nagbigay sa kanya ng gold medal sa 2021 Orlen Cup sa Lodz, Poland.
Noong nakaraang linggo ay nagtala si Obiena ng 5.70m para sa gold medal sa Gothenburg Athletics Grand Prix sa Sweden kasunod ang pagrerehistro ng 5.80m para sa silver sa FBK Games sa Hengelo, Netherlands.
- Latest