De Luna kampeon sa Florida

MANILA, Philippines — Nasungkit ni Jeffrey De Luna ang kampeonato sa Sunshine State Predator Pro Am Tour na ginanap sa Boulevard Billiards sa Ocala, Florida.

Inilabas ni De Luna ang tikas nito matapos pataubin si Anthony Meglino sa finals sa pamamagitan ng 9-4 demolisyon upang masikwat ang korona.

Para makapasok sa finals, pinayuko ni De Luna si Meglino sa semifinals ng winner’s column.

Sa kabilang banda, kinailangan ni Meglino na magtala  ng sunud-sunod na panalo sa losers’ column kabilang na ang 5-1 panalo kay CJ Wiley sa semis para muling makaharap si De Luna sa finals.

Subalit sa ikalawang pagkakataon, hindi umubra ang tikas ni Meglino sa husay ni De Luna sa kanilang championship showdown.

Naibulsa ni De Luna ang $1,100 premyo o mahigit P50,000 habang nagkasya sa $710 runner-up purse si Meglino.

Ito ang ikalawang titulo ni De Luna sa taong ito matapos pagharian ang first leg ng Sunshine State Predator Pro Am Tour noong Pebrero.

Show comments