Pasilidad ng PSC naka-lockdown!
MANILA, Philippines — Agad na ipinag-utos ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez ang total lockdown sa mga pasilidad nito matapos matuklasang may empleyado silang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Naka-lockdown na ngayon ang Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila gayundin ang PhilSports Complex o mas kilala sa tawag na Ultra sa Pasig City.
Sinimulan ang lockdown nitong Agosto 12.
Wala pang petsa kung kailan ito matatapos.
“May we humbly advise all concerned that the Rizal Memorial Sports Complex in Manila City and the PHILSPORTS Complex in Pasig City shall be on complete lockdown from 12 August 2020 until further notice,” wika ni Ramirez.
Nais ni Ramirez na masiguro ang kaligtasan ng lahat partikular na ang ilang mga atleta at coaches na nananatili sa dalawang nabanggit na pasilidad.
“This is part of the agency’s health security protocol after a staff tested COVID-19 positive in the recent round of RT-PCR testing,” dagdag ng PSC chief.
Nanawagan din si Ramirez ng kooperasyon at pagkakaisa upang labanan ang pandemya na malaki na ang problemang ibinibigay sa buong mundo.
Umaasa si Ramirez na wala nang madaragdag na bilang ng mga empleyadong magpopositibo sa coronavirus upang mas maging madali ang paghahatid nito ng serbisyo sa mga atleta.
Pinaalalahanan din nito ang mga atleta, coaches, officials at mga empleyado na doblehin ang pag-iingat dahil matinding kalaban ang COVID-19.
- Latest