Tautuaa, Perez kursunada ni Altamirano
Para maglaro sa pilipinas 3x3 tourney
MANILA, Philippines — Mas maganda sana kung papayagan ng Philippine Basketball Association (PBA) at ng kanilang mga mother teams sina Moala Tautuaa ng San Miguel at CJ Perez ng Terra Firma na mag-laro sa Chooks-to-Go Pili-pinas 3×3 tournament.
Ito’y ayon kay Chooks-to-Go national 3x3 team head coach Eric Altamirano, ay para magkaroon ng chemistry sina Tautuaa at Perez kasama sina Alvin Pasaol at Joshua Munzon.
“Kung ako lang sana ang masusunod, I would love that. Mas gusto ko iyon. If you combine the four players in a competition setting mas maganda kesa ‘yung practice lang nang practice,” ani Altamirano.
Sina Tautuaa, Perez, Pasaol at Munzon ang bumubuo sa Chooks-to-Go national 3x3 team na sasabak sa qualifying tournament para sa 2021 Olympic Games na gagawin sa Tokyo, Japan.
Inilipat ang FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament sa Mayo 26-30, 2021 sa Graz, Austria matapos maapektuhan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang torneong unang iniskedyul noong Marso 18-22 sa India.
Kasama ng Chooks-to-Go national 3x3 squad sa Pool C ng Olympic qualifying ang Slovenia, France, Qatar at Domi-nican Republic.
Plano naman ni Altamirano na idaos ang Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 tournament sa susunod na buwan na lalaruin sa INSPIRE (Integrated Sports Performance, Innovation and Recovery) Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Kung papayagan ng PBA at ng kanilang mga mother teams ay papasok din sina Tautuaa at Perez sa ‘mini bubble’ ng 3x3 tournament.
- Latest