Bugle Notes pinamahalaan ang Eduardo Cojuangco, Jr. Cup
MANILA, Philippines — Itinakbo ng Bugle Notes ang korona sa prestihiyosong 2019 Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup na ginanap nong Linggo sa Saddle & Clubs Leisure Park Race track sa Naic, Cavite.
Iginiya ni veteran jockey Jonathan B. Hernandez, humataw ang Bugle Notes sa kalagitnaan ng karera para ungusan ang Viva Morena at angkinin ang kalamangan mula sa ikatlong puwesto patungo sa six-length win sa prestihiyosong karera na isinagawa bilang parangal sa San Miguel Corporation chairman na si Cojuangco.
Ang karera ang itinampok sa ika-24 pagdaraos ng Metropolitan Association of Race Horse Owners Breeder’s Championships.
Ang panalo ng Bugle Notes ay nagkakahalaga ng premyong P1.8 milyon mula sa kabuuang guaranteed purse na P3.15 milyon ng sponsor na Philippine Racing Commission.
Dahil sa panalo ng Bugle Notes ay natapos na ang dalawang taon na dominasyon ng Hitting Spree ng SC Stockfarm at dagdagan ang mainit na arangkada ng Bell Racing Stable ni horseowner Elmer de Leon na siya mismo ang tumanggap ng special trophy na ipinagkaloob ni Amb. Cojuangco.
Pumapangalawa ang Murika para sa premyong P675,000 kasunod ang ikatlong Truly Ponti na kumita ng P375,000, pang-apat ang Super Sonic para sa P150,000 at pang-lima ang 2017 Triple Crown champion na Sepfourteen para sa premyong P100,000.
- Latest