Hotshots puntirya ang ika-3 dikit vs Fuel Masters
Laro Ngayon(Smart Araneta)
4:30pm Magnolia vs Phoenix
7pm Ginebra vs SMB
MANILA, Philippines — Ikatlong sunod na panalo ang pakay ng Magnolia sa pagharap nito sa Phoenix sa pagpapatuloy ng PBA Season 43 Governors’ Cup ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang duwelo ng Hotshots at Fuel Masters sa alas-4:30 samantalang magtutuos ang defending champion Barangay Ginebra at San Miguel Beer sa alas-7 ng gabi.
Hawak ng Hotshots ang 2-0 malinis na rekord ngunit ayaw pakasiguro ni Magnolia coach Chito Victolero dahil nadagdagan ang puwersa ng Phoenix sa ngalan ni Calvin Abueva.
“It’s going to be a battle of defense so we need to be ready and prepare. Phoenix becomes more cohesive right now especially with the addition of Calvin Abueva,”ani Victolero.
Sasandalan ng Hotshots si import Romeo Travis na may averages na 18 points at 17.5 rebounds habang magbabalik na rin sa tropa sina Ian Sangalang at Paul Lee na parehong miyembro ng Gilas Pilipinas na sumabak sa FIBA World Cup Asian Qualifiers fourth window.
Galing naman ang bataan ni Phoenix head coach Louie Alas sa dalawang sunod na panalo para mapaganda ang kanilang rekord sa 4-1.
Magsisilbing lider ng Fuel Masters si Abueva na may averages na 14.8 points, 9.8 rebounds at 1.8 blocks kada laro.
Babanat din sina Matthew Wright, Jason Perkins at Eugene Phelps para sa Phoenix.
Samantala, sariwa pa ang Beermen mula sa 143-119 demolisyon sa Columbian Dyip noong Biyernes para sumulong sa 2-1 marka.
Hataw sa naturang laro si Arwind Santos na may 29 points kabilang ang pitong three-pointers.
Reresbak naman ang Gin Kings na umani ng 118-124 overtime loss sa Blackwater noong Biyernes para mahulog sa 3-1 marka.
- Latest