Tatapusin na ng Go For Gold
MANILA, Philippines — Puntirya ng Go For Gold na maiselyo na ang kampeonato sa pakikipagtipan nito sa Che’Lu Bar and Grill sa Game 4 ng PBA D-League Foundation Cup best-of-five championship series ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Muling magtutuos ang Scratchers at Revellers sa alas-5.
Makislap ang Go For Gold tangan ang 2-1 bentahe sa serye.
Naisalpak ni Paul Desiderio ang game-winning layup para kubrahin ng Scratchers ang 98-96 come-from-behind win sa Game 3 noong Huwebes.
“I’ll be honest, and don’t look at it as I’m saying it arrogantly, but I kept telling the guys that we were the better team—talent-wise, on paper. It’s just that Che’Lu was the hungrier team and they outplayed us every time,” ani Go For Gold head coach Charles Tiu.
Maliban kay Desiderio, aasahan din ng Scratchers si MVP contender Gab Banal gayundin sina Jai Reyes, Vince Tolentino, Ron Dennison at Jerwin Gaco.
Gagawin naman ng Revellers ang lahat upang maipuwersa ang rubber match.
“Our mindset will be ‘no retreat, no surrender,” wika ni Revellers mentor Stevenson Tiu.
Wala sa isip ng Che’Lu na sumuko dahil armado ito ng matitikas na players gaya nina Jeff Viernes na isa sa mga nangunguna sa MVP race.
“Kailangan naming makuha itong Game 4. Kahit anong mangyari hindi kami bibitiw,” pahayag ni Viernes. (CCo)
- Latest