Elasto Painters winakasan ang kamalasan
MANILA, Philippines - Sa likod ng kanilang bagong import at dalawang hugot mula sa dalawang magkahiwalay na trades ay winakasan ng Rain or Shine ang kanilang kamalasan.
Tinapos ng Elasto Painters ang dalawang sunod nilang kabiguan matapos talunin ang bumubulusok na Kia Picanto, 94-86, sa 2017 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot ang bagong import na si J’Nathan Bullock ng 20 points, 10 rebounds, 2 steals at 2 blocks para sa 2-2 record ng Rain or Shine.
Umiskor naman sina Mark Borboran at Ed Daquioag ng pinagsamang 13 markers, habang may 13 at 12 points sina Chris Tiu at Beau Belga, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 44-36 abante sa halftime ay kinuha ng Elasto Painters ang 13-point lead, 57-44, sa third period patungo sa pagpoposte ng 76-59 kalamangan sa 10:13 minuto ng final canto.
Nakalapit ang Picanto, nalasap ang ikaanim na sunod na kamalasan, sa 82-87 agwat mula sa tres ni import Markeith Cummings sa huling 1:57 minuto.
- Latest