Gendrauli, Diaz reyna ng PSL beach volley

Kagat-kagat nina Norie Jane Diaz at Danica Gendrauli ang kanilang gold medal matapos mag­-reyna sa PSL Beach Volleyball Challenge Cup. Jun Mendoza

MANILA, Philippines – Nagkaroon siya ng mataas na lagnat ilang araw bago ang finals.

Ngunit hindi ito naging dahilan para panghinaan ng loob si Danica Gendrauli.

Tinalo nina Gendrauli at Norie Diaz ng Gilligan’s sina Patty Orendain at Fiola Ceballos ng Foton Tornadoes, 19-21, 21-14, 15-11, para hiranging inaugural champions ng PLDT Home Ultera Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na pinalakas ng Smart Live More kahapon sa Sands By the Bay sa SM Mall of Asia.

“My temperature was 38.4-degree celcius. I was really sick the past three days but I still did my best to train and come up with necesarry preparations,” sabi ni Gendrauli, ang dating kamador ng Southwestern University mula sa Mandaue na nanalo ng beach volley crown sa Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. (CESAFI), sa torneong inorganisa ng Sports Core katuwang ang Accel, Sands By the Bay, Senoh at Maynilad.

Ito ang unang panalo ni Gendrauli kay Ceballos sa kanilang tatlong beses na paghaharap sa buhangin.

Katuwang si national team skipper Jovelyn Gonzaga, tinalo ni Ceballos si Gendrauli sa beach volley tournament sa Boracay noong 2012 at 2013.

Para biguin sina Ceballos at Orendain ay kinailangan nina Gendrauli at Diaz na ibahin ang kanilang estratehiya.

“Malakas si Fiola sa attacks, kaya ibinigay muna namin ang bola kay Patty para alisin si Fiola sa attack zone niya,” sabi ni Diaz ng Perpetual na naglaro para sa Mane ‘N Tail sa nakaraang PSL All Filipino Conference.

Tinalo naman ng Amy’s ang Phillips Gold, 21-11, 21-9; para sa seventh place, habang binigo ng Cignal HD Spikers B ang Foton Hurricane, 21-18, 21-18, para sa third place.

Sa men’s division, inangkin ng Cignal HD Spikers ang third place nang hindi sumipot ang Centerstage.

Sa men’s division, pinatumba nina Jade Becaldo at Hachaliah Gilbuena ng SM By The Bay A sina Tippy Tipgos at Marjun Alingasa ng Champion Infinity B, 21-17, 23-21, para pitasin ang titulo.

Show comments