Grand slam hangad ng Mixers

Nagpopormahan sa rebound play sina San Mig Coffee rookie Ian Sangalang at Rain or Shine center Raymond Almazan sa Game Three. (PBA Images/NUKI SABIO)

MANILA, Philippines - Bagamat isang panalo na lamang ang kailangan ng nagdedepensang San Mig Coffee para makamit ang PBA Grand Slam ay hin­di pa nila ito basta-basta makukuha.

Sinabi ni head coach Tim Cone na hindi nila puwe­deng balewalain ang ka­kayahan ng Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao.

Makikita ito sa iskor sa ka­nilang best-of-five championship series.

Kinuha ng Mixers ang 104-101 panalo sa Game One bago nakatabla ang Elasto Painters sa Game Two via 89-87 overtime vic­­tory.

Nakalapit ang San Mig Coffee sa pinapangarap na Grand Slam matapos ang­kinin ang 78-69 pana­lo sa Game Three noong Sa­bado.

“They compete in every possession. You just continue to battle and can’t take a play off. The moment you do, you’re in trouble,” sabi ni Cone sa Rain or Shine.

Hawak ang 2-1 benta­he, pipilitin ng Mixers na wa­kasan ang kanilang ser­ye ng Elasto Painters sa pa­mamagitan ng panalo sa Game Four ngayong alas-8 ng gabi para sa 2014 PBA Governors’ Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.

“You can’t talk about it till it’s done,” sabi ng 56-anyos na si Cone na puntirya ang kanyang ika-18 PBA championship at pangalawang PBA Grand Slam.

Si Cone ang tumulong sa Alaska para masikwat ang tatlong sunod na kampeonato noong 1996.

Kung mananalo ay ang San Mig Coffee ang magi­ging ikaapat na PBA team na kumuha ng Grand Slam.

Ang Crispa ni legendary coach Baby Dalupan ang unang nanalo ng tatlong su­­nod na korona noong 1976 season at muli itong na­­kamit ng Redmanizers no­­ong 19­83 sa ilalim ni men­tor Tom­my Manotoc na tinampukan ni ‘Black Su­­­perman’ Billy Ray Bates bi­lang import.

Ang San Miguel Beer ni Norman Black ang kumopo ng ikatlong Grand Slam no­ong 1989 kasunod ang Alaska ni Cone noong 1996.

Kumpiyansa naman si Guiao na makakapuwer­sa sila ng Game Five sa Mi­­yerkules para sa isang ‘winner-take-all’ match.

“We’re down 1-2 but I don’t think it’s the end. I don’t think it’s ending (Monday),” sabi ng 56-anyos na si Guiao.

“We also fell be­hind 1-2 against Alaska and we won the next two games. We hope to do the same thing here,” dagdag pa nito.

Show comments