Beristain kabado na kay Pacquiao, Marquez ‘di na papayagang lumaban

MANILA, Philippines - Aminado si Mexican trainer Ignacio ‘Nacho’ Beristain na may posibilidad na talunin ni Manny Pacquiao ang kanyang alagang si Juan Manuel Marquez sakaling maitakda ang kanilang pang-limang banggaan.

Sa panayam ng The Record, sinabi ng 74-anyos na si Beristain na tiyak na gagawin ng 35-anyos na si Pacquiao ang lahat para mabawian ang 40-anyos na si Marquez.

“It would be a terrible, hard, very difficult fight because Manny will go for everything, for the revenge. I would like them not to fight,” sabi ni Beristain.

Pinatulog ni Marquez si Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre 8, 2012.

Matapos ito ay bumangon ang Filipino world eight-division champion sa pamamagitan ng pagdomina kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios noong Nobyembre 24 sa Macau, China at pagresbak kay Timothy Bradley, Jr. sa kanilang rematch noong Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Nabawi ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Organi­zation (WBO) welterweight crown kay Bradley at ngayon ay gustong maagaw ni Marquez.

Nagmula si Marquez sa unanimous decision win laban kay Mike Alvarado sa kanilang title eliminator noong Mayo 18.

Sakaling hindi matuloy ang Pacquiao-Marquez V ay si Ruslan Provodnikov, ang WBO light welterweight king, ang itatapat ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kay ‘Pacman’.

Show comments