Pasok sa semis ng battle of kings 10-ball challenge, Bustamante ‘di umubra kay Chua

MANILA, Philippines - Sumikwat si Johann “Bubwit” Chua ng isang semifinals berth matapos talunin si pool legend Francisco “Django” Bustamante, 11-5, sa Battle of Kings 10-Ball Challenge noong Lunes ng gabi sa King of Sports sa Quezon City.

Sinamantala ni Chua ang ilang pagkakamali ni Bustamante para makawala sa dikitang 6-5 labanan patungo sa ikalawa niyang panalo sa tatlong laro.

Ang panalo ang nag-akay kay Chua sa Final Four kasama ang wala pang talo na sina Jeff de Luna at Dennis Orcollo.

Sinargo ni De Luna ang kanyang pangatlong sunod na tagumpay nang kunin ang 11-6 panalo kontra kay Jeff Ignacio, habang iginupo ng dating world champion na si Orcollo si Carlo Biado, 11-8.

Hangad naman ni Efren “Bata” Reyes, may 1-1 record, ang isang semis berth kontra kay Ronnie Alcano kagabi.

Asam din ni Ignacio ang isang semis spot sa kan­yang 2-1 baraha.

Itinala ni Chua ang 6-3 abante, ngunit ang kanyang error sa 10th rack ang nagbigay kay Bustamante ng panalo para sa kanyang 5-6 agwat.

Show comments