Si Allado uli ang bida sa Archers

MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling tinalo ng Green Archers ang karibal na Blue Eagles sa kanilang taunang ‘Dream Game’ kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Isinalpak ni Don Allado ang isang jumper sa huling 40.4 segundo sa final canto, habang tumipa ng isang free throw si Mac Cardona para tulungan ang De La Salle University sa 111-108 pagtakas sa Ateneo De Manila University.

Noong nakaraang taon ay ang 6-foot-6 na si Allado ang nagbida sa 117-104 paggupo ng Green Archers laban sa Blue Eagles na idinaos sa Smart Araneta Coliseum.

Itinabla ni Nonoy Baclao ang Ateneo ni assistant coach Sandy Arespacochaga sa 108-108 sa huling 50 segundo kasunod ang baseline jumper ni Allado para ibigay sa La Salle ni mentor Franz Pumaren ang 110-108 bentahe.

Dalawang beses tumalbog ang mga tangkang three-point shots nina Rabeh Al-Hussaini at Magnum Membrere para sa Blue Eagles hanggang isalpak ni Cardona ang isang free throw para ilayo ang Green Archers sa 111-108 sa natitirang 3.9 segundo.

Nagmintis si Chris Tiu sa kanyang desperadong tres sa huling posesyon ng Katipunan-based cagers sa pagtunog ng final buzzer.

Nauna dito, iniskor ni Al-Hussaini ang unang anim na puntos ng Ateneo para sa kanilang 6-0 abante bago nakadikit ang La Salle sa first period, 28-27.

Inagaw naman ng Green Archers ang unahan sa 57-52 sa dulo ng second quarter kasunod ang isang tres ni Eman Monfort para idikit ang Blue Eagles sa halftime, 57-59, kung saan umiskor si Ryan Arana ng 14 points para sa Taft-based team.

Sa third period, nagtuwang sina Cardona at Jerwin Gaco upang ibigay sa Archers ang 66-59 abante patungo sa isang 11-point lead, 87-76 tungo sa panalo.

 

Show comments