EDITORYAL - Textbook na kaduda-duda

Nakababahala ang ibinunyag ni Senate­ President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto­ III sa budget deliberation ng Department of Education (DepEd) hinggil sa isang textbook para sa mga Grade 3 students.

Ang naturang aklat na pinamagatang “Bandila: Makabansang Pilipino 3” ay naglalaman ng QR code na kapag ini-scan ay magdadala sa mga mag-aaral sa isang video sa online tungkol sa Bulkang Mayon.

Ang video ay ginawa ng China Global Television Network (CGTN), isang television network na pinatatakbo ng gobyerno ng China.

Makatwiran ang tanong ni Sotto: Bakit kailangan pang gumamit ng learning references mula sa ibang bansa sa pagtuturo sa mga batang Pilipino tungkol sa sarili nilang bayan?

Hindi naman masama ang paggamit ng mga learning references mula sa ibang bansa kung tama at mapagkakatiwalaan ang impormasyong nakapaloob dito. Gayunman, sa rami ng mga lokal na institusyon na maaaring pagkunan ng impormasyon tungkol sa ating bansa, bakit hindi ang mga ito ang unahin?

Bagama’t iniimbestigahan pa ng DepEd ang naturang aklat, muling nabuksan ng insidenteng ito ang usapin sa kalidad ng mga learning materials sa bansa.

Matatandaang noong 2019, pinuna ng Commission on Audit (COA) ang mga learning materials para sa Grade 3 na nagkakahalaga ng P254.35 milyon dahil sa factual, grammatical and conceptual errors.

Maging noong kasagsagan ng pandemya ay nakapagtala rin ang DepEd ng maraming pagkakamali sa mga learning module na gina­gamit ng mga estudyante.

Ngayong bahagi na ng makabagong edukas­yon ang paggamit ng teknolohiya, kaila­ngang palawakin ng DepEd ang pagsusuri nito hindi lamang sa mga naka-imprenta na impormasyon kundi maging sa mga digital na references na nakapaloob sa mga aklat.

Dapat ding magkaroon ng regular na pagsu­suri sa mga QR code sapagkat maaaring magbago ang nilalaman ng mga website na tinutukoy ng mga ito.

Malaki ang responsibilidad ng DepEd at ng mga publisher sa paghubog ng kaalaman ng kabataan.

Hindi dapat ang mga mag-aaral ang sumalo sa kakulangan ng mga taong pinagkatiwalaang magbigay sa kanila ng wastong impormasyon.

Nakababahala ang isyung ito. Dapat din namang magkaroon ng pagkilos ang mga guro at mga grupo ukol dito. Paano kung hindi napansin ng Senado ang textbook na ito? Hahayaan na lang na gamitin?

Malaki ang responsibilidad ng DepEd sa na­bulgar na ito. Dapat silang kumilos bago pa malason ang kaisipan ng mga mag-aaral.

Show comments