^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Hayaan ang ICC

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL � Hayaan ang ICC

Mukhang wala nang makakapigil sa International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa mga krimen na naganap sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte. Mahigit 6,000 ang namatay sa kampanya laban sa droga at iba pang krimen simula nang mayor pa si Duterte hanggang sa maging president noong 2016. Hindi nasisiyahan ang ICC sa isi­nasagawang imbestigasyon ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa isang pahayag ng Pre-Trial Chamber 1 ng ICC, sinabi na inaprubahan na umano ang kahilingan ng Pro­secutor na ipagpatuloy ang pag-iimbestiga sa mga nang­yaring sitwasyon sa Republika ng Pilipinas. Makaraan umano ang maingat na pag-aanalisa sa mga materyales na nanggaling din sa Pilipinas, hindi nasisiyahan ang Chamber sa mga isinagawang imbestigasyon ng pama­halaan kaya magsasagawa ng sariling imbestigasyon.

Sa pahayag ng PTC, sinabi naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi pa nila natatanggap ang resolusyon ng ICC ukol sa gagawing pag-iimbestiga. Ga­nunman, sinabi ni Guevarra na aapela sila sa ICC Chamber kung ipagpapatuloy ang pag-iimbestiga.

Nagpahayag naman si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na ipaaaresto niya ang ICC probers­ sakaling magtungo sa bansa ang mga ito. Wala uma­nong hurisdiksiyon ang ICC sa pansariling problema ng Pilipinas. Hindi umano puwedeng makialam ang sinu­man sa internal problem ng bansa.

Sinabi naman ni dating President Duterte at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na hindi sila makikipag-cooperate sa ICC. Si Dela Rosa ang nanguna sa pagpapatupad ng “Oplan Tokhang” noong 2016 kung saan maraming sangkot sa illegal drug trade ang napatay. Sabi ni Dela Rosa, walang hurisdiksiyon ang ICC para pakialaman ang problema sa droga. Noong 2019, inalis­ ni Duterte ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC. Noong nakaraang linggo, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi kailangang magmiyembro muli ang Pilipinas sa ICC dahil gumagalaw naman daw ang criminal justice.

Mabagal ang paggalaw ng sistema ng hustisya sa bansa at isa ito sa dahilan kaya nais ng ICC na maka­pag-imbestiga sila sa mga nangyaring pagpatay. Mara­ming humihingi ng hustisya. May mga naparusahan nga ng mga pulis (gaya ng pumatay kay Kian de Guzman) pero iilan lang ang mga ito. Napakaraming pulis ang lumabag sa karapatang pantao.

Kung maipapangako ng pamahalaan na bibilisan ang pag-iimbestiga sa mga naganap na pagpatay baka hindi na maghahangad ang ICC na manghimasok pa. Pero sa nangyayari ngayon na mabagal pa sa pagong ang pag-iimbestiga, maaaring hindi na mapipigil ang ICC sa kanilang gagawin.

vuukle comment

ICC

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with