^

PSN Opinyon

Paano maging nurse sa Canada? Lalo na kung isa kang Pilipino!

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kung isa kang registered nurse at gusto mong mangibang-bansa, maaaring piliin ang Canada na laging bukas sa mga overseas Filipino worker. Kailangan lang sumunod sa mga kinakailangang proseso at panuntunan bago payagang manirahan at magtrabaho sa bansang ito.

Gayunman, maraming nurse na Filipino ang nagkakaroon ng iba’t-ibang problema sa aplikasyon at pagdating nila sa Canada at magsimulang magtrabaho roon lalo na kung hindi nila napapaghandaan ang mga ito.

Kaugnay nito, noong 2021, ipinalabas ng embahada ng Pilipinas sa Ottawa at mga konsulado nito sa Calgary, Vancouver at Toronto ang isang brochure na nagbibigay ng saligang impormasyon sa accredication process para sa mga dayuhang registered nurses kabilang ang mga Filipino nurses  na naghahangad na magtrabaho bilang registered nurse sa Canada.

Nakasaad sa brochure na, para maging isang registred nurse (RN) sa Canada, kailangan munang kumpletong punuan ang      application sa National Nursing Assessment Service (NNAS).  Bago simulan ang application process, kailangan munang maunawaan ang mga rekisitos ng Canada, ang iyong eligibility at ang mga kailangan mong ihanda at tumutulong ang NNAS dito.      Ang NNAS ay isang Canadian not-for-profit organization na nagbibigay ng streamlined process sa mga dayuhang nurse para sa pagsusumite ng kanilang mga dokumento at magbigay sa kanila ng mga kasangkapan sa pag-aaplay para sa Canadian nursing registration.   Maaaring basahin ang NNAS Application Handbook, ayon sa brochure ng embahada, para malaman kung paano magsumite ng aplikasyon sa NNAS na siyang tutukoy kung karapatdapat kang magpraktis ng nursing sa Canada. Makakakita ng detalye sa website nitong  <www.nnas.ca>.

Sa application sa NNAS, kailangang magsumite ng proof of English Language Proficiency  (e.g., IELTS at CELBAN).  Maaaring magkakaiba sa iba’t-ibang mga probinsiya sa Canada ang mga institusyong nagsusuri ng kakayahan sa salitang Ingles ng aplikanteng dayuhan. Merong mga babayaran dito na ang halaga ay  depende sa kabuuan ng iyong application at maaaring mula (sa Canadian dollar) CAD650 hanggang  CAD970 (hanggang  noong  Seteyembre  2021).

Beberipikahin ng NNAS at ikukumpara ang iyong credentials sa pamantayan ng Canada at  maglalaan ng online storage para sa iyong education at registration credentials.  Ang resulta ng iyong aplikasyon ay isusumite bilang Advisory Report sa regulatory body ng lalawigan ng Canada na iyong piniling puntahan at pagtrabahuhan. Depende sa NNAS Advisory Report, maaari kang mag-aplay bilang RN sa lalawigan sa Canada na gusto mong pagtrabahuhan.

Inilahad din sa brochure ang ilang dagdag na mga hakbang na kailangang sundin sa ilang lalawigan sa Canada para bigyan ng idea ang aplikanteng nurse.

Sa lalawigan ng Alberta,  kailangang mag-aplay sa College and Association of Registered Nurses of Alberta (CARNA). Sasabihan ka ng CARNA na kumuha ka ng  Alberta Registered Nurses Assessment Program test (ARNAP) na isang araw na eksamen na susubok sa iyong kaalaman, kakayahan, judgement, language proficiency, ethics, at client interaction  skills. May babayaran dito na CAD1,900. Ang resulta ng iyong test ay isusumite ng ARNAP sa CARNA na siyang magdedesisyon kung Eligible ka o hindi ka Eligible o kung kailangan mong mag-aral at magtapos ng dagdag na kurso (Bridging Education). Ang mga eligible applicant ay kailangang kumuha at makapasa sa  National Council Licensure Examination para makapagpraktis bilang RN (NCLEX-RN) sa  Alberta.

Sa Ontario, mag-aaplay ka sa College of Nurses of Ontario (CNO). Pagkatapos, kailangan mong makapasa sa  assessment ng  Internationally Educated Nurses Competency Assessment (IENCAP).  May bayad na CAD1,500, na may optional review classes na may dagdag na bayad na  CAD300-400. Susuriin ng IENCAP kung meron kang established equivalency para magpraktis bilang RN (“Demonstrated”); kung kailangan mo ng remediation (“Partially Demonstrated) na, ibig sabihin, kailangan mong mag-aral at magtapos sa dagdag na mga kurso; o kung kailangan mo ng complete retraining (“not demonstrated”). Kapag naging eligible ka na, kailangan mong kumuha ng NCLEX-RN para makapagtrabaho bilang nurse sa Ontario.

Sa British Columbia, mag-aaplay ka sa  B.C. College of Nurses and Midwives (BCCNM). Ire-refer ka ng BCCNM sa Nursing Competency Assessment Service (NCAS) na siyang  magrerepaso sa aplikasyon mo at magpapasya kung kuwalipikado kang kumuha ng national nursing exam at mag-apply para sa provisional registration na magpapahintulot sa iyo na magpraktis habang naghahanda kang sumulat sa nationa nursing exam; o  kung kailangnan mo ng further assessment. Maaaring hingin sa iyo na kumpletuhin ang isang competency assessment na titingin sa iyong nursing skills, knowledge at practice at ipakita kung paano ikukumpara ng BCCNM sa inaasahan sa isang bagong BC graduate. Maaaring pakuhanin ka ng isang bridging course o whole program. Kapag naging eligible ka na, pakukuhanin ka ng NCLEX-RN para mairehistro sa BCCNM at makapagpraktis bilang RN.

Dahil magkaiba ang nursing curricula ng Canada at ng Pilipinas, maaaring pakuhanin ka ng bridging education na, ibig sabihin, mag-aaral ka ng dagdag na kurso na aabuhin ng ilang buwan o taon bago matapos.

Ang clinical management of cases ay maaaring iba sa karanasan mo sa Pilipinas. Kailangang magkaroon ka ng kumpiyansa at kakayahan na makasulat at makapagsalita ng Ingles sa lahat ng iyong exams.

Sinasabi pa sa brochure ng Philippine Embassy na kailangan sa aplikante na mabalanse ang kanyang kasalukuyang trabaho, buhay sa bahay, at ang kanyang nursing application na maaaring maging napakahirap at nakakapagod. Depende sa iyong visa, maaaring hindi ka payagang mag-aral habang nagtatrabaho ka sa Canada. Kailangang, habang nasa Pilipinas ka pa, makuha at makolekta  mo na ang lahat ng kailangang mga dokumento sa mga eskuwelahan  at employer mo dito na magiging napakahirap kung nasa Canada ka na.

Meron namang iba’t-ibang settlement services sa Canada na maaaring magbigay sa mga baguhan ng mga impormasyon at settlement support na kailangan ng aplikante para sa mga desisyon nila sa magiging bagong buhay nila sa Canada pagdating nila roon. Kabilang dito ang Calgary Immigrant Women's Association (https:/www.cwa-online.com); Calgary Catholic  Immigrant Society  (https://www.ccisab.ca); Agincourt Community Services Association (https://www.agincourtcommmunityservice.com); Kababayan Multicultural Center (https://www.kababayan.org); SUCCESS (https://successbc.ca); at MOSAIC (https://www.mosaicbc.org/).

Email – [email protected]

OFW

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with