^

PSN Opinyon

Kalbaryo ng botante

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

MARAMI nang eleksiyon ang naganap at maaring isipin na natuto na ang Comelec sa mga problemang lumalabas sa araw na ito. Pero dahil Comelec nga, hindi. Ganito na naman ang naganap noong Lunes na araw ng election. Mahabang pila, VCMs na sira at iba pang mga isyu na nagiging kalbaryo lang sa mga botante.

Sa isang barangay sa Quezon City, napakahaba at napakabagal ng pag-usad ng pila. Ang dalawang pamangkin ko na nagsimulang pumila ng 8:30 ng umaga ay natapos ng 5:30 ng hapon. Siyam na oras na nakapila, halos anim na oras na nakabilad sa araw.

Ang iba naman ay nagtungo nga nang maaga sa barangay para masabihan lang na bumalik ng alas tres ng hapon dahil sira ang VCM ng kanilang presinto. Ang alas tres naging alas singko, ang alas singko ay naging “bumalik na lang kayo mamaya” kasi wala pa o kaya’y iwan na lang ang balota at sila ang magbibigay sa Comelec. Marami ang hindi sumang-ayon dito. Ang iba hindi na bumalik dahil sa inis. Hindi tuloy nakaboto.

May Senior at PWD lane nga pero ganundin mahaba rin ang pila at magulo. Hindi ko rin kasi maintindihan kung bakit pinagpipilitang ganapin ang eleksyon sa barangay hall nila kung malaki ang kanilang populasyon. Ito nga ang dahilan kung bakit mahaba at mabagal ang pila dahil iilan lang ang puwedeng ipapasok sa silid ng kanilang barangay. Dapat sa paaralan na lang ginanap ang botohan para mas marami ang puwedeng makaboto sa bawat batch na pinapapasok. O hindi na baleng mahirapan ang mga botante basta’t hindi na gumastos ang Comelec o ang lokal na pamahalaan?

Sigurado ako hindi ito nararanas ng mga mayayamang subdivision o village na may sariling barangay. May malaking lugar kung saan makakaboto at hindi naman malaki ang kanilang populasyon. Sila na nga ang mas kumportable ang buhay, sila pa ang mas walang problemang makaboto. Problema na lang siguro ay ang mga nais inuuna kahit kararating lang. Maraming ganyan.

Ito dapat ang nakikita ng Comelec pero hindi. Wala silang solusyon, o hindi maisip ang solusyon. Dapat alam din iyan ng mga opisyal ng barangay kaya kung bakit nauulit lang ang problema ay nakapagtataka. Kung may posibilidad na masira ang VCM bakit walang mga reserbang nakaabang at kukunin pa raw sa malayong lugar ang mga kapalit? Mapapailing ka na lang talaga. May tatlong taong pagitan bago mag-eleksiyon, hindi pa ba sapat ang oras na iyan para pag-aralan ang mga problema? O magbabanta na naman ng kulong ang Comelec sa mga pumupuna ng mga pagkukulang? 

COMELEC

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with