Magtiwala sa Comelec
DAPAT buo ang tiwala natin sa Commission on Elections (Comelec). Kung hindi, lahat ng administrasyong luluklok ay pagdududahan. Kung pinagdududahan ang bawat presidenteng mahahalal, gugulo ang takbo ng pamahalaan. Wala nang katahimikan sa pulitika. Bihasa na ang Comelec sa automated elections mula pa noong 2010 nang unang ipatupad ito.
Pero sa kabila niyan, siguradong mayroong magpoprotesta na nadaya sila na mukhang imposibleng mangyari sa ilalim ng automated elections. Ipaliliwanag ko kung bakit nasabi ko iyan. Talagang sa Pilipinas lang walang talunan sa eleksiyon kundi nadadaya lang. Grabe!
Ang source code at software na gamit kada eleksyon, bukod sa certified ng international na kompanya ay binubusising maigi ng mga eksperto at maging ng political parties na kasali sa halalan. Ang mga ito ay iniingatan ng Central Bank at kukunin lang ng Comelec kapag gagamitin na.
Simula nang unang ipatupad ang computerized polls nung 2010, nabawasan ang mga protesta kumpara sa manual elections noong araw. Noong 2010, 49 ang naghain ng protesta, 37 noong 2013, 28 noong 2016, at 20 na lamang noong 2019. May random audit din ang Philippine Statistics Authority sa mga resulta at hindi bumababa ng 99 porsiyento ang pagkakatugma ng manual counting sa automated election results.
Sa 2019 survey ng Pulse Asia, 84 percent ng taumbayan ang nagsabing tiwala sila sa resulta ng eleksiyon at 91 percent ang ibig magpatuloy ang automated elections. Naging mapayapa rin ang mga eleksiyon. Pati mga karahasan sa eleksyon ay nabawasan nang malaki.
Hayaan na lang natin ang mga protesta dahil hindi nawawala iyan. Basta tahimik, payapa, at katiwa-tiwala ang ating halalan simula noong nagkaroon ng automated elections, Iyan ang mahalaga. Ayos Comelec!
- Latest