^

PSN Opinyon

Galunggong nagiging mahal dahil ninanakaw ng China

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Mayabong ang mga alaga at tanim mo sa bakuran. Biglang pumasok ang maton. Tutok ang baril, inangkin niya lahat ng manok, prutas at gulay mo. Nagutom ka. Ngayon binenbenta niya sa iyo ang sarili mong mga alagain at tanim – sa dobleng halaga. Binubusabos ka.

‘Yan ang nangyayari sa West Philippine Sea. Exclusive economic zone natin ‘yon, ayon sa batas ng mundo. Kumbaga, bakuran natin ng isda, langis, gas, at iba pang yamang dagat para sa esklusibong gamit ng Pilipino. Inagaw ng Chinese poachers na protektado ng coastguards nila.

Umaaray ang mga mangingisda sa Pangasinan, Zambales, Bataan at Palawan. Binubundol, wino-water cannon at mina-machinegun sila ng Chinese coastguards tuwing lumalayag sa WPS.

Nilaspag na ng Chinese ang mga pangisdaan. Daan-daang steel trawlers nila, bawat isa kasing-haba ng dalawang basketball courts -- ang humahakot ng toneladang isda. Ang mga Pilipino kahoy na de-katig lang na bangka. Ilang kilo lang ang huli nila. Kapos sa sariling pangkain. Walang natitira para sa gamot, damit, edukasyon.

Inuubos ng Chinese ang galunggong, na pagkain ng mahihirap. Dahil kulang ang lokal na huli, napipilitan tayo umangkat -- mula sa China ng sarili nating galunggong na ninakaw mula sa ating dagat. Nu’ng 2013, P115-P117 ang isang kilong galunggong; ngayon P220-P240 na -- doble! Mas mahal pa sa manok. Lalong naghihirap ang mamimili.

Nu’ng 2017 nakipagkasundo si Pangulo Rody Duterte kay China president at Communist Party general secretary Xi Jinping. Pinayagan niyang mangisda ang Chinese sa EEZ natin. Hindi malinaw kung gaano karami ang maaring hulihin, saan, at hanggang kailan. Wala siyang kapangyarihan na ipamigay ang yaman ng bansa, ani dating justice Antonio Carpio. Labag sa Konstitusyon ang kasunduang ‘yon. Pakiusap ni Carpio kay Duterte na bawiin ang kasunduan. Lalo kasi nagpapahirap sa bansa. Masusubukan kung makabayan si Duterte.

vuukle comment

WPS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with