_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Lulutang-lutangang face masks

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Lulutang-lutangang face masks

Hindi lamang mga plastic na botelya ng soft­drink, sachet ng shampoo at cup ng instant noodles ang makikitang lulutang-lutang sa baha, kundi pati mga ginamit na face masks.

Nang bumaha kamakalawa sa maraming lugar sa Metro Manila, naglutangan ang mga basura. Sa Maynila, hanggang tuhod ang baha sa Taft Avenue, Quirino at San Andres. Apektado ang mga nagpapa­bakuna sa Maynila dahil sa baha. Ganunman, kahit na nakababad ang kanilang paa at binti sa tubig-baha, hindi pa rin sila natinag sa pagbabakuna. Matiyaga silang pumila sa kabila na limitado ang bakuna.

Kapansin-pansin ang paglutangan ng basura nang bumaha. Habang nakapila ang mga nagpapaba­kuna sa San Andres Sports Complex sa Malate, Maynila, nasa gilid nila ang mga naglutangang basura – plastic cup, sachet ng shampoo, coffee 3-in-1, plastic sando bags, at ang sandamukal na face masks. Lulutang-lutang ang mga basura na karamihan ay ginamit na face masks.

Nakita mismo ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga tambak ng basura malapit sa vaccination sites sa San Andres. Ipinalinis niya ang mga basura na karamihan ay mga face mask.

Mayroon nang face mask pollution ngayon. Hindi lamang dito sa Metro Manila nagkalat ang mga ginamit na face mask. Maski sa Davao City ay problema na ang nagkalat na face masks. Maski sa Pa­nigan-Tamugan watershed na nagsusuplay ng tubig sa siyu­dad ay nagkalat ang mga ginamit na face masks.

Sa mga basurang galing sa Manila Bay at isinuka sa baybayin ng Roxas Blvd., kapansin-pansin ang nagkalat na basura na karamihan ay face masks. Na­ka­halo ang mga ito sa maraming basurang plastic.

Maraming walang disiplina sa pagtatapon ng basura at lalo pang lumubha ngayong pandemya. Tapon dito, tapon doon ang ginamit na face masks.

Kailangang magkaroon na ng kamay na bakal sa magtatapon ng basura. Kung hindi magiging matigas­ sa pagpapatupad ng batas sa pagtatapon ng basura partikular ang face masks, kakalat ang sakit at walang ibang kawawa kundi ang mamamayan mismo.

Nararapat na kumilos ang Metro Manila Develop­ment Authority (MMDA) sa pakikipag-ugnayan sa LGUs ukol sa face mask pollution. Magkaroon ng paghihigpit sa pagtatapon ng basura lalo na ngayong may pandemya. Ipatupad at hindi ningas-kugon na pamamahala.

FACEMASK
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with