^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Daming kumakalam ang sikmura

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Daming kumakalam ang sikmura

Mas lalong dumami ang mga nagugutom na Pinoy sapul nang manalasa ang pandemya noong nakaraang taon. Sa survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na ginawa noong Nobyembre 3 hanggang Disyembre 3, 2020, anim sa bawat 10 Pinoy ay nakaranas magutom.

Lumabas din sa survey na 71.7 percent ng pamilya ay nakakabili ng pagkain sa pamama­gitan ng pangungutang samantalang ang 66.3 per­cent ay nangungutang sa kanilang kamag-anak o kapit­bahay para makabili ng pagkain. Idinagdag pa sa survey na labis na naramdaman ang kakapusan sa pagkain sa pagitan ng Abril at Mayo dahil sa pina­iral na enhanced community quarantine (ECQ). Marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga pabrika at establisimiento.

Ang problema sa kakulangan ng pagkain ay maliwanag na nakikita sa mga taong humuhugos sa community pantries sa maraming lugar sa bansa. Wala silang pagkain kaya ang karamihan sa kanila ay pumipila kahit alas tres ng madaling araw. Ang community pantry ang kanilang inaasahan na sa­sagip sa kanilang kagutuman.

Ang unang community pantry ay sinimulan sa Maginhawa Street, Quezon City at ngayon ay nagsulputan nang parang kabute sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ito ay sa kabila na pinararatangang “maka­kaliwa” ang organizers ng community pantry.

Hindi lamang mga pagkain ang handog nga­yon ng mga community pantries. Nagkakaloob na rin sila ng mga gamot at bitamina sa mga walang-wala at nangangailangan sa komunidad. Bukod sa gamot, mayroon na ring nagbibigay nang lugaw at taho para sa mga taong kumakalam ang sikmura sa gutom.

Lulubha pa ang pagkagutom ngayong may pandemya kaya nararapat gumalaw ang pamahalaan para hindi dumanas pa nang grabeng kagutuman ang masa. Huwag iasa sa mga community pantry ang pagpapakain sa mga nagugutom. Kailangang lumikha ng trabaho ang pamahalaan para ganap na maiwasan ang pagkadayukdok ng mamamayan. Mas maraming magagawa ang pamahalaan kung gugustuhin lang. Kung ang mga organizer ng pantry ay nakaisip ng paraan para maibsan ang narara­nasang gutom ng mamamayan lalo na sa Metro Manila, mas lalong may paraan na magagawa ang pamahalaan ukol dito. Kailangan lamang ay kumilos.

vuukle comment

ECQ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with