^

Mga detalye

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - March 9, 2021 - 12:00am

UNTI-UNTI nang lumalabas ang mga detalye ng naganap­ na “misencounter” sa pagitan ng PNP at PDEA noong naka­raang linggo. May CCTV nga kung saan nakitang nag­papakilala na umano ang mga ahente ng PDEA nang magkaroon ng sandaling tigil-putukan pero tuluy-tuloy pa rin silang pinagbabaril ng mga pulis ng QCPD. May nakitang nagsuot pa ng ID habang nagaganap ang barilan.

Ngayon, nagsalita na rin ang ilang ahente ng PDEA na noong sumuko na sila sa mas maraming pulis na dumating­, pinagbubugbog daw sila ng halos kalahating oras. Dinala pa sa ibang lugar at doon tinuloy ang pambubugbug sa kanila. Marami ang nagtamo ng mga sugat sa ulo na sigu­rado ay hindi na maitatago. Lima ang naospital at may kina­ilangang operahan.

Hindi nga raw makapagbigay ng maayos na salaysay sa mga imbestigador ng NBI dahil sa trauma at takot. Sana ay gumaling na sila para makapagbigay na ng kanilang salaysay sa pangyayari. Kung may mga nakasaksi ng mga pangyayari nang matapos ang putukan dapat magsalita na rin, kung hindi sila natatakot. Kailangan ng NBI ng lahat ng tulong para malaman ang mga pangyayari nang sa ganun ay hindi na rin maulit. Sana.   

Wala talagang kupas ang PNP. Tapos na ang putukan­, mukhang nagpakilala na ang PDEA pero nakuha pang mambugbog ng halos kalahating oras? Mukhang agrab­­yado­ rito ang PDEA. Ano naman kaya ang magiging pali­­­wanag ng liderato ng PNP sa rebelasyong ito? Naiin­tin­­dihan ko na may namatay sa hanay ng PNP pero ga­nun­­din naman sa PDEA. Hindi ba dapat ang ginawa ay kinum­pirma­ kung talagang mga taga-PDEA sila at hindi binugbog na lang?

 Sana may mga detalyeng madiskubre pa ang NBI. Hindi maliit na insidente ito. Maraming haka-haka ang luma­labas na sa social media kung bakit nagkaroon ng barilan na sana nga ay tumigil muna at bigyan ng pagkakataon ang imbestigasyon at maungkat ang katotohanan.

Sana lang ay hindi pagtakpan ang pagkakamali ng sino­mang grupo. Kung mali, mali at dapat panagutan. Ayokong malaman na totoo pala ang mga haka-haka na lumalabas sa internet.

PDEA PNP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with