^

Lingkod-bayan o lingkod sa sarili?

GO NORTH - Artemio Dumlao (Pilipino Star Ngayon) - February 19, 2021 - 12:00am

Magdadalawampung taon na sa puwesto si Romblon lone district congressman at dating governor Eleandro Jesus Madrona.

Ngunit ayon sa mga kababayan ni Cong, walang pag­­ba­­bago sa pamamalakad ng opisyal bilang lingkod-bayan. Istilong “traditional politician” (trapo) pa rin.

Sa katunayan, nililitis pa sa Sandiganbayan ang kasong graft and corruption ni Cong at ilan pang dating opisyal dahil sa pagbili noong 2004 nang siya’y governor pa, ng 3,333 bote ng Bio Nature liquid fertilizer mula sa Feshan Philip­pines sa halagang P1,500 bawat bote nang walang ka­ukulang bidding.

Ayon sa COA, na naging saksi rin sa prosecution sa kaso, ang pagbili ng abonong ito ay nagdulot nang malaking kalugihan sa Romblon, na isang third class na probinsiya.

Pupugak-pugak ang sitwasyong pinansiyal ng Romblon, ngunit umiikot si Cong sa mga isla na naka chopper at magarang yate.

Sabagay, may shipping lines naman siya noon, ngunit nagsara na. Sabi nga ng mga taga-Romblon, “Noong gober­nador pa si Cong, lubog na sa utang ang Romblon, mga barko na lang niya ang nakalutang!”

Mistulang “Midas touch in reverse” diumano si Cong. Imbes na magtagumpay, nalulugi, sumasablay at puma­palpak daw ang mga bagay na pinakikialaman nito.

Gaya na lang sa nangyayari sa electric power supply sa Tablas Island, ang pinakamalaking isla sa Romblon. Madalas pa rin ang brownout sa kabila ng ipinangako ng Sunwest Water and Electric Co. (SUWECO) na ngayon ay tinawag nang Suweco Tablas Energy Corporation (STEC), ang power supplier ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO).

Nakaamba pang magtaas ng singil ang STEC at atubiling nangangalampag na si Cong at mga kaalyadong mayor ng Tablas sa Energy Regulatory Board (ERC) para madaliin ang pagpayag sa rate adjustment dahil kung hindi, magkaka-power crisis sa lugar kapag hindi makaahon ang kompanya sa kinasasadlakang problemang pinansyal.

Nais nga bang bigyan lunas ni Cong ang nakaambang power crisis sa kanyang lalawigan?  O nais lang niyang isalba ang STEC kung saan nakatalaga ang mga malalapit niyang kaibigan?  O nag-aabogado lang ito sa STEC?

Matinding konsumisyon na ang inaabot ng mamamayan dahil sa pandemya. Tama bang gawain ng isang lingkod-bayan ang dumagdag pa sa perwisyo?

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

COA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with