^

Kung saan-saan natin hinahanap ang Diyos

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - February 12, 2021 - 12:00am

(Nakaka-inspira ang kuwentong ito online, kaya isina-Tagalog ko para sa inyo. Sayang nga lang na hindi pinangalanan ang umakda ng orihinal sa Ingles.)

Nasa gilid ng ilog ang munting nayon. Masaya ang mga taga-nayon at malimit sila magdasal at mag-alay sa templo roon. Isang habagat ang dumating at bumuhos ang malakas na ulan. Nagsimulang umapaw ang ilog at binaha ang nayon. Nagsilisan ang lahat sa mga bahay at nagtungo sa bundok.

Humangos ang isang lalaki papuntang silid ng pari sa templo. “Pinasok na ng baha ang mga bahayan,” aniya sa pari. “Nakaalis na ang lahat. Halina’t tutulungan ko kayong mag-alsa balutan.” Sininghalan siya ng pari: “Sumasampalataya ako sa Diyos, hindi tulad n’yo na walang tiwala. Ililigtas Niya ako. Hindi ko iiwan ang templo.” Umalis ang lalaki.

Tumaas ang baha lampas baywang. Umakyat sa mesa ang pari. Nakalipas ang ilang minuto dumating ang isang kanayon sa bangka para sagipin ang pari. Muli tumanggi itong umalis at ililigtas naman daw siya ng Diyos. Iniwan na lang siya ng nakabangka.

Sa tindi ng bagyo umabot sa kisame ang baha. Sa bubong ng templo lalapag na sana ang helicopter para kunin ang pari. Muli umayaw ang pari. Nang malulunod na, sumigaw siya: “Diyos ko, lubos akong nagtiwala at nagdasal sa Iyo, bakit hindi mo ako nililigtas?”

Dumagundong ang malaking boses: “Nagmadali Ako na ilisan ka, pero ayaw mo. Nagdala Ako ng bangka, pinaalis mo Ako. Nagdala Ako ng helicopter, ayaw mong sumakay. Hindi mo Ako kinilala.”

Napahiya sa sarili ang pari. Buti na lang binalikan siya ng chopper. Nabatid ng pari na ang Diyos ay nasa mga tao sa paligid.

Araw-araw tumanaw sa limang direksiyon. Sa harap, para alam ang patutunguhan at plano. Sa likod, para ma­­alala ang pinanggalingan. Sa baba, para tiyaking walang tao na inaapakan. Sa tabi, para pasalamatan ang tumutulong at alamin kung sino ang nangangailangan. At sa itaas, para kilalanin ang Maylikha ng lahat.

DIYOS
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with