^

PSN Opinyon

Malas sa kasal (Part 1)

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang kasong ito ay tungkol sa interpretasyon ng Article 36 ng Family Code tungkol sa tinatawag na psychological incapacity ng isa sa mag-asawa o pareho sa kanila, na dahilan kung bakit hindi nila magampanan ang tungkulin at obligasyon sa pinasok na kasal.

Ang isyung tinanong at tinalakay ay ang naging problema, pagtanggi o pagpapabaya ng isang asawa na gawin ang kanyang tungkulin. Sapat na kaya ito bilang basehan ng psychological incapacity sa ilalim ng batas?

Ang kasong ito ay tungkol kina Ernie at Edna na unang nagkakilala sa hayskul. Pag-ibig sa unang pagkikita ang nangyari kay Ernie na isang fourth year at kay Edna na noon ay second year naman. Ilang buwan lang mula nang maging magsyota sila ay pinakilala na ni Edna si Ernie sa kanyang mga magulang bilang kanyang magiging mister balang araw.

Kontra ang mga magulang sa relasyon ng dalawa at ang gusto nila ay magtapos muna sila ng pag-aaral. Dahil sa pagtutol ng mga magulang ay napilitan na magtanan ang dalawa at bandang huli ay nagpakasal pagkaraan lang ng isang taon mula nang magkakilala sila.

Sa unang mga buwan ay maayos ang kanilang naging pagsasama pero pagkatapos ng isang taon ay nauwi na sa madalas na pag-aaway. Madalas sumama si Ernie sa kanyang mga kabarkada at tatambay sa bahay ng kanyang lola kesa umuwi sa misis. Sisitahin siya ni Edna at mumurahin pati buong angkan na siyang lalong magtutulak sa lalaki para umalis ng bahay at pumirmi sa kanyang pamilya.

Susunduin naman siya ni Edna para pag-usapan nila ang problema at pagkatapos ay magkakaayos na sila. Paulit-ulit lang ang nangyayari hanggang sa mapansin na lang ni Ernie na mas marami siyang oras na kasama ang mga barkada at kamag-anak pati mas masaya siya kasama sila kumpara sa kanyang misis. Sa kabilang banda, panay naman ang reklamo ni Edna tungkol kay Ernie na isang palpak na asawa, babaero at lasinggero pa raw.

Sa loob ng tatlong taon mula nang sia ay magkakilala ay lalong lumala ang kanilang relasyon. Muling lumayas sa kanilang tahanan si Ernie at sa unang pagkakataon ay hindi na siya sinuyo o sinundo ni Edna. Tuluyan na silang nawalan ng komunikasyon sa isa’t isa hanggang mabalitaan na lang ni Edna ang tungkol sa pakikipagrelasyon ni Ernie sa ibang babae. Nagkasundo silang maghiwalay at nagsampa si Ernie ng petisyon sa RTC para mapawalambisa ang kanilang kasal base sa kawalan nila ng kakayahan na tupdin ang tungkulin bilang mag-asawa. Pareho daw silang may psychological incapacity base sa ulat ni Dr. Thelma at sa diagnosis kay Ernie na ma Passive Aggressive Personality Disorder at si Edna na may Narcissistic Personality Disorder.

Sa kanyang sagot ay itinanggi ni Edna ang mga paratang ng asawa. Mabuting maybahay daw siya at pinatawad na raw niya ang mister sa lahat ng mga pagkukulang nito. Handa rin daw niyang tanggapin muli ang mister nang dalawang kamay.

Matapos ang paglilitis ay ibinasura ng RTC ang petisyon ni Ernie. Wala raw naipakitang ebidensiya tungkol sa sinasabing personality disorder ng mag-asawa na magpapatunay na hindi nila kayang gampanan ang tungkulin sa isa’t isa. Ang kinikilos daw ni Ernie ay hindi nag-ugat sa psychological disorder kundi sa pagtanggi niya na gampanan ang tungkulin bilang asawa. Nang umapela ay binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon at dineklarang parehong may psychological disorder ang mag-asawa tulad ng nasa ulat ni Dr. Thelma. Tama ba ang CA?   (Itutuloy)

vuukle comment

BATAS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with