Ang Pasko ay para sa mga bata

AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - December 3, 2020 - 12:00am

Bagama’t ang Pasko ay dapat gunitain ng bawat Kristiyano­ dahil ito’y araw ng pagsilang ng ating manunubos, higit sa lahat, ito ay para sa mga musmos. Naging bata tayong lahat at ang simpleng pamamasyal sa araw ng Pasko, pagdalaw sa ating mga ninong at ninang ay nagpapasaya sa atin.

Nakakalungkot na dahil sa pandemia, ni hindi makapamasyal ang mga bata sa dati nilang pinapasyalan tulad ng Jollibee at McDo. Ni hindi sila makapag-interact sa kapwa bata sa paaralan dahil pulos on-line ang ginagawang pagtuturo ngayon.

Siguro, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit inirekomenda ng Department of Trade and Industry sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na ang mga bata mula sa edad na pitong taon pataas na isama ng kanilang mga ma­gulang sa mga malls. Nangungunang dahilan din ang pagpapasigla sa takbo ng negosyo ngayong panahon ng Pasko.

Mukhang may katuwiran ang panukala ni DTI Sec. Ramon­ Lopez na gawin ito kahit man lang nitong panahon ng Pasko. Pero napapanahon kaya? Baka naman ibinibingit natin ang mga bata na makasagap ng virus at maging da­hilan ng muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19.

Dahil sa mga baha na idinulot ng mga nakaraang bagyo, maraming mamamayan ang inilikas sa mga evacuation centers na nagpataas sa kaso ng COVID-19. Indikasyon nito na naririyan pa rin at nag-aabang ng tsansa ang virus para mambiktima pa ng mas maraming tao.

Tila hanggang sa unang bahagi ng papasok na taong 2021 ay hindi pa rin magugupo ng tuluyan ang banta ng pandemia kaya kailangan pa rin ang pagiingat. Lahat tayo’y nananabik sa pagbabalik ng old normal pero kung ang kapalit ay ang pananatili ng karamdamang ito, mas makabubuting manatili ang mga ipinatutupad na regulasyon upang ingatan ang kalusugan ng publiko.

PASKO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with