RT-PCR tests sa abot-kayang halaga, handog sa Makatizens at pribadong sektor

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay (Pilipino Star Ngayon) - November 23, 2020 - 12:00am

Mahigit walong buwan na simula nang maparalisa ang ating buhay at kabuhayan nang dahil sa pandemya. Marami nang nangyari sa loob ng panahong ito, at gusto kong isipin na mas nauunawaan na natin ngayon kung papaano tugunan at harapin ang mga hamong dala ng COVID-19.

Mula sa pagsusuot ng masks, face shields, social dis­tancing, at palagiang pag di-disinfect ng ating mga kamay at kapaligiran, hanggang sa pagpapalakas ng ating mga katawan, unti-unti na nating nakakasanayan ang buhay sa “new normal.”

Nakakapagbigay din ng pag-asa ang mga balita tung­kol sa matagumpay na trials ng mga bakuna kontra COVID­-19. Umaasa ang buong mundo na kapag mayroon nang bakuna­ ay maaari nang manumbalik ang sigla at lakas ng eko­no­miya sa lahat ng mga bansa.

Sa ngayon, ibayong pag-iingat at “mass testing” pa rin ang ating pananggalang laban sa nakamamatay na sakit na ito. Simula July ay ipinatutupad sa Makati ang “mass testing” para sa ating mga frontliner at mga kawani sa City Hall para sa kapakanan ng mas nakararami.

Naniniwala kami na ang early detection ay susi sa mabilis na panggagamot at malaki ang naitutulong upang hindi na makahawa pa ng iba ang isang taong may coronavirus.

Ngayong buwan ay ginawa naming mas abot-kaya at abot-kamay ang COVID-19 RT-PCR test para sa mga pri­badong mamamayan at mga negosyo at establisimiento sa Makati.

Nakipag-partner ang lungsod sa mga public hospital at private testing lab upang mas maraming ProudMakati­zens ang kaagad na masusuri para sa COVID-19. Dahil mas mabilis ang paglabas ng resulta, ang mga magpo­positibong indibiduwal ay maagap na magagamot.

Pinilit naming ibaba ang halaga ng test para mas maraming indibiduwal ang makapagpasuri kahit wala silang nararamdamang sintomas o walang nakasalamuhang nag­positibo sa COVID-19.

Nagkakahalaga lamang ng P2,950 ang individual PCR tests ng Makati kumpara sa mula P4,500 hanggang P8,500 na presyo nito sa mga pribadong clinic at ospital sa Metro Manila. Malaking bagay ang test na ito para sa kaligtasan ng mga kompanya, negosyo at establisimento sa Makati.

Ang mga residente o kumpanya ay maaaring mag-log in sa https://umakemakatisafe.com  para makapag-book ng RT-PCR tests.

Para sa mga kumpanya o komunidad na gustong magpa-test ng lampas sa 10-katao, pwedeng mag sign up para sa pooled swab test. Nasa P1,000 ang singil bawat tao sa grupo.

Dito sa Makati, nais naming gawing mas magaan ang buhay para sa mga #ProudMakatizen. Prayoridad namin ang kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng lahat.

Salamat po sa inyong patuloy na tiwala at suporta sa ating mga programa.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with