Sukang puti: Pinabababa ang sugar levels at pampapayat

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - November 5, 2020 - 12:00am

May bagong pag-aaral na ang sukang puti (Apple Cider Vinegar) ay maaaring makatulong sa may diabetes at pampapayat din. Bukod dito, mabisa rin itong panlaban sa alipunga, kulugo, balakubak at iba pa.

1. Para sa diabetes

Ang pag-inom ng sukang puti ay maaaring magpa­baba ng asukal sa dugo (blood sugar levels). Ayon sa pagsusuri ni Dr. Carol Johnston ng Department of Nutri­tion sa Arizona State University, ang pag-inom ng 2 kut­sa­ritang sukang puti na inihalo sa isang basong tubig­ bago kumain ay makapipigil sa biglang pagtaas ng blood sugar pagkatapos kumain. Nakatulong ito sa mga taong may dia­betes o kahit sa normal na tao.

Ayon kay Dr. Johnston, ang acetic acid ng suka ay po­sibleng pumipigil sa pagtunaw ng carbohydrate na ating kinain. Dahil dito, hindi na ito maa-absorb ng ating katawan at maidudumi na lang. Bukod sa pag-inom ng iyong regular na gamot sa diabetes, puwede rin itong subukan.

2. Para pumayat

Ayon sa pagsusuri ni Elin Ostman, Ph.D. ng Lund University, ang pagkain ng tinapay na may kasabay na sukang puti ay makababawas sa pagkagutom pagkatapos kumain.

May isa pang research si Dr. Johnston, kung saan ang 30 katao ay kumain ng 2 kutsarang sukang puti, kasama ang kanilang pagkain sa tanghalian at hapunan. Pagka­tapos ng 4 na linggo, nakita niyang pumayat ng 2 pounds ang lahat ng sumubok nito. May iilan pa nga ang pumayat ng 4 pounds.

Babala: Ang purong suka ay matapang at acidic. Kapag hindi mo ito hinaluan ng tubig o pagkain, puwede itong makasira ng lalamunan, ipin at sikmura. Huwag din itong subukan kung ika’y may ulcer o hyperacidity.

Para hindi masyadong maasim, puwedeng paghaluin ang 1-2 kutsaritang sukang puti, kaunting honey o asukal, at isang basong tubig. Iniinom ito bago kumain.

Ang isa pang mas safe na paraan ng paggamit ng sukang puti ay ang paghalo nito sa iyong regular na kinakain. Gamitin ang suka para sa ensalada (huwag na ang mayonnaise dressing). Isawsaw sa suka ang pritong isda at kanin. Huwag po ito sobrahan. Ang 1-2 kutsaritang suka (5-10 ml) kasabay ng iyong pagkain, ay maaaring makatulong sa iyong pagpapapayat.

3. Impeksyon sa tainga

Ang impeksiyon sa tainga (swimmer’s ear) ay nakukuha sa pagligo sa maruming swimming pool o sa dagat. Para gamutin ito, maghalo ng ½ kutsaritang sukang puti, ½ kutsaritang alcohol at ½ kutsaritang tubig na malinis. Itagilid ang ulo at ipatak ito sa loob ng tainga. Hayaan itong manuot ng 1-2 minuto bago ipatulo ang suka palabas. Gawin ito ng 2 beses sa maghapon hanggang gumaling ang impeksyon. Tandaan: Huwag itong gagawin kung posibleng butas ang iyong eardrum.

4. Alipunga

Ang alipunga ay impeksyon sa pagitan ng daliri ng paa. Nakukuha natin ito kapag laging basa o pawis ang ating paa. Para magamot ito, maghalo ng 1 basong sukang puti at 1 basong tubig sa isang palanggana. Ibabad ang iyong paa ng 15 minuto, 2 beses sa maghapon. Tuyuin ang paa maigi pagkatapos ibabad. Puwedeng pahiran ng alcohol ang paa para mapatay din ang mga bacteria. Gawin ito ng ilang araw hanggang sa mawala ang alipunga.

5. Impeksyon sa puwerta.

Minsan, ang mga babae ay nagkakaroon ng makati at puting discharge sa kanilang puwerta. Puwedeng makuha ito sa paggamit ng nylon na panty at pantyliner. Kailangan ding laging maghugas pagkatapos umihi o dumumi. Para magamot ito, nagbibigay ang doktor ng anti-fungal suppository. Ngunit kung walang pera, puwedeng maghalo ng 1 kutsarang sukang puti sa 2 basong maligamgam na tubig. Gamitin ito para hugasan ang loob at labas ng puwerta (douching). Gawin ito ng 2 beses sa maghapon at sa loob ng 5-7 araw. Kapag gumaling na ang impeksyon, tigilan na ang paghugas sa loob ng puwerta, dahil nakasasama din ito sa katagalan. Kumain din ng isang tasang Yogurt sa loob ng 5 araw para manumbalik ang lactobacillus, ang mga good bacteria ng ating katawan.

6. Kulugo.

Mahirap gamutin ang kulugo. Mahal ang gastos para magpa-cautery sa doktor. Ang isang home remedy ay ang paggamit ng cotton ball na sinawsaw sa purong sukang puti. Ipatong itong cotton ball sa kulugo at i-tape ng band-aid sa buong magdamag. Siguraduhing basang-basa ang cotton ball ng suka. Medyo mahapdi ito. Gawin ito araw-araw sa loob ng 2 linggo o lampas pa. Pagkalipas ng ilang araw, mamamaga at mangingitim ang kulugo, bago ito tuluyang matatanggal. Ituloy pa rin ang paglagay ng suka ng ilang araw para hindi bumalik ang kulugo. Maghugas palagi ng kamay para hindi lumipat ang kulugo sa ibang parte ng katawan.

7. Balakubak

Maghalo ng 1 tasang maligamgam na tubig at 1 tasang sukang puti. Mag-shampoo at magbanlaw ng buhok. Pagkatapos ay saka ipahid ang sukang puti sa may puno ng iyong buhok (hair roots) kung nasaan ang balakubak. Hayaan ito ng 30 minutos bago banlawan. Gawin ito ng 1-2 beses kada linggo para mabawasan ang balakubak. Kapag hindi pa rin gumagaling, damihan mo ang halo ng sukang puti at bawasan ang tubig. Ang acetic acid ng suka ang papatay sa fungus na Malassezia furfur, na nagdudulot ng balakubak.

APPLE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with