Daming nakalkal na baho sa PhilHealth
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - September 15, 2020 - 12:00am

SA paggisa ng Senado sa mga opisyales ng PhilHealth isang damakmak na baho ng ahensiya ang nakalkal at bilyon-bilyong pisong anomalya ang natuklasan. Ang masakit nito, matapos na magpasasa sa datung na para sa mga mahihirap nating kababayan aba’y, namamayagpag pa rin hanggang sa mabunyag sa sambayanan. Ngunit matitibay talaga ang mga apog ng mga ito na kapit tuko sa puwesto hanggang sa dumating ang oras nila na kalusin mismo ni Pres. Rodrigo Duterte.

Todo tanggi pa ang mga ito subalit oras na para tuldukan na ang kanilang kabuhungan kaya sa pamamagitan ng imbestigasyon ng Senado lumutang ang kanilang mga baho. Hehehe! Lumabas kasi na moro-moro ang transakyon at reinbursement sa mga kakutsaba nilang mga ospital at doctors.

Ang masaklap maging pala sa pagkatalo ni dating Fernando Poe Jr sa pagka-presidente ay may pondo ring iniluwal ang mga buwaya at hayok sa kapangyarihan o ‘yung mga tinaguriang traditional politician (trapo). Hehehe! Todo tanggi pa ang mga ito dahil oras na umamin ang mga ito tiyak na sa impiyerno na ang kanilang tuloy. Ang pondo kasi na kanilang nilustay ay pera ng mga mahihirap na miyembro ng PhilHealth.

At ngayon na mas kailangan ng PhilHealth members ang datung para itustos sa mga tinamaan ng COVID-19, aba’y wala na halos mailabas na pondo ang ahensya. Di ba mga suki? Kaya maging si President Duterte ay napa-P.I. sa galit at nagpahayag na sampahan ng kaso at ipa-life style check ang mga ito.

Ang masakit tila bangungot ito kay Sen. Grace Poe nang matuklasan ang baho sa pagkatalo ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. na naging sanhi ng pagkamatay nito.  Sa pagdinig kamakailan ng Senado tungkol sa mga katiwalian sa PhilHealth, hindi inakala ni Senator Poe na muling mauungkat ang masakit na karanasan ng kanyang amang si FPJ na pinaniniwalaang dinaya noong 2004 presidential election.

Nagulat na lamang si Poe nang ibunyag ni PhilHealth Regional Vice president Dennis Adre ang “Plan 5M” bilang taktika ng dating administrasyon ni GMA para maungusan sa survey at matalo sa eleksiyon si FPJ.

Ang “Plan 5M” ay nangyari sa panahon ni DOH Secretary Francisco Duque III na mabilis naman nitong pinabulaanan sa pagsasabing walang kaugnayan ang nasabing programa para matalo si FPJ sa eleksyon. Kung matatandaan, ang “Plan 5M” ay ang pamamahagi ng limang milyong libreng PhilHealth insurance cards na ginawa matapos maglabasan ang mga survey na nangunguna si FPJ laban kay GMA, Panfilo Lacson at Bro. Eddie Villanueva sa eleksyon noong 2004.

Nabunyag din sa hearing ng Senado na dahil sa pamimigay ng libreng PhilHelath insurance card, nagsimula na itong malugi bukod pa sa katiwalian at corruption na ginawa noong panahon ni GMA. Nakalulungkot talaga kung iisipin dahil sa tagal ng panahong namayapa si idol FPJ, nabuhay na naman ang isyu sa ginawang pandaraya kay Da King.

Alam naman ng halos lahat lalo na ang mga tagahanga at nagmamahal kay FPJ na siya ang nanalo noong 2004 elections. Tama si Poe sa pagsasabing naghihilom na ang sugat na iniwan sa kanyang pamilya sa nangyari kay FPJ pero dahil sa natuklsan sa hearing sa PhilHealth muling nanariwa ang alaala ng senadora kung papaano niloko ang kanyang ama.

At hindi lang naman sa bahagi ni Poe nabuhay ang alaala at galit sa ginawa nila kay FPJ kundi pati na rin sa milyon-milyong nagmamahal nitong tagahanga na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng katarungan. At kung tutuusin, hindi pa naman talaga tapos ang laban ni FPJ.  Hindi pa ito natutuldukan lalo pa’t ang katarungan na hinihingi para kay FPJ ay hindi pa nakakamit. At ang masakit, sa matagal na panahon muling mauungkat ang ginawa nilang pambababoy kay FPJ sa hearing ng PhilHealth.

Umaasa ang marami na sa mga susunod na eleskyon, sana ay hindi na maulit ang ganitong nakasusukang pamamaraan para manalo lang sa eleksyon. 

PHILHEALTH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with