Baliw si misis (Una sa 2 bahagi)
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - August 30, 2020 - 12:00am

Kahit pa kusang loob na pumayag ang isang tao na magpakasal ay puwedeng sa bandang huli ay wala pa rin siyang kakayahan na gampanan ang kanyang tungkulin bilang asawa. Tinatawag itong psychological incapacity at puwedeng mapawalang-bisa ang kasal mula pa sa umpisa kahit pa nakita lang ang senyales nito pagkatapos ng kasal ayon sa batas (Art. 36 Family Code).

Ang psychological incapacity ay isa sa mga basehan ng pagpapawalang-bisa ng kasal dahil katumbas nito ang hindi pagpayag sa kasal dahil nga hindi lubos na nalalaman o naiintindihan ng taong sangkot ang kaakibat na responsibilidad ng kaniyang ginawa. Magkaiba ito sa mental incapacity sa ilalim ng Art. 45 (2) ng Family Code dahil doon ay depekto lang sa pagpayag ang pinag-uusapan at may tsansa lang na ipawalang-bisa ang kasal at hindi tunay na walang bisa mula sa umpisa. Ipinapaliwanag ito sa kaso nina Andy at Regina.

Mas bata ng sampung taon si Andy kay Regina nang una silang magkakilala at pagkatapos lang ng isang taon ay nagpakasal na. Apat na buwan matapos nilang maging mag-asawa ay nabuntis si Regina kaya lang namatay ang sanggol pagkaraan ng limang buwan mula nang ipanganak.

Walong buwan pagkaraan ng kanilang kasal ay hindi na nakatiis si Andy at hiniwalayan na ang misis na si Regina dahil sa kakaiba nitong kinikilos. Sinubukan pa ni Andy na ayusin ang kanilang relasyon pero talagang hindi nagbago si Regina. Tuluyan na siyang iniwanan ng lalaki pagkatapos lang ng 11 buwan mula nang sila ay magpakasal.

Isang taon ang lumipas, nagsampa naman si Andy ng petisyon sa korte para mapawalang-bisa ang kanilang kasal ayon sa Art. 36 ng Family Code.

Sa paglilitis ng korte, tumestigo si Andy para patunayan ang paratang laban kay Regina. Lagi raw nagsisinungaling ang misis. Una ay itinago niya ang pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga   at pinalabas pa na ampon lang ng pamilya nila ang bata.

Sunod ay nag-imbento ng istorya ang babae na sinubukan daw siyang gahasain at patayin ng bayaw na si Willy kahit hindi naman talaga ito nangyari.  Pangatlo ay ang pagpapanggap ng babae na isa siyang ob-gyne at sa mga kaibigan naman niya ay nagkunwaring nakapag-aral at nakapagtapos ng kursong psychology kahit hindi totoo.

Pang-apat ay ipinipilit ng babae na isa siyang freelance singer na konektado sa isang sikat na recording company at katunayan daw ay isang luncheon concert ang ginanap para sa misis kahit pa walang kahit sino sa pamilya ng babae na nakakita o nakarinig na kumanta siya. May imbitasyon pa na ipinakita si Regina pero ayon sa direktor ng hotel ay walang naganap na ganoon.

Panglima ay ang pag-iimbento ng mga kaibigan na tulad nina Bambi at Sylvia na nagmula raw sa recording company at nagsasabing may katumbas na dalawang milyon ang misis dahil sa pag-awit.

Pang-anim ay ang pagpapanggap na marami siyang pera at pagbili ng kung anu-anong gamit na walang kuwenta samantalang inuutang lang niya mula sa iba. At ikapito, ang madalas na pagseselos nito kay Andy at pagtawag sa mga katrabaho para lang matunton kung nasaan ang mister.

Para suportahan din ang kanyang petisyon ay ginawang testigo ni Andy sina Dr. Santos na isang psychiatrist at si Dr. Reyes na isang clinical psychologist. Parehong tumestigo ang dalawa tungkol sa abnormal, mahiyain at konserbatibong pag-uugali ni Regina na laging gumagawa ng kasinungalingan kay Andy at siyang naging dahilan para kuwestiyunin ang di-umano ay pagmamahal, tiwala at respeto ng kanilang pagsasama.

Ang konklusyon ng mga doktor ay talagang walang kakayahan si Regina para gampanan ang mga tungkulin at obligasyon niya bilang asawa.

Sa kanyang pagkontra sa petisyon, tumestigo si Regina at itinanggi ang paratang ni Andy. Ayon sa kanya ay wala na siyang kasinungalingan na ginawa maliban sa pagtatago kay Andy na nagkaroon siya ng anak sa pagkadalaga. Wala raw basehan at narinig lang sa iba ang mga kasinungalinan kaya base sa kabuuan ng ebidensiyang inihain ay wala siyang psychological incapacity ayon na rin sa pahayag ng isang doktor na tumestigo para sa kaniya.

Matapos ang paglilitis, mas pinaboran ng korte ang ebidensiyang inihain ni Andy. Ang hilig daw ni Regina na magsinungaling tungkol sa kaniyang sarili, sa mga tao sa palibot niya, sa kanyang propesyon at kita pati ang kunwaring antas ng pinag-aralan saka mga nangyari sa kanyang paligid ay nagpapatunay na psychologically incapacitated siya at walang kakayahan na tuparin ang kanyang mga obligasyon bilang isang asawa. Pinawalang-bisa ang kanilang kasal pero nauna rito ay nagkaroon na rin ng pagpapawalang bisa ang simbahan ng Maynila. Kumbaga ay kinatigan lang ng korte ang pagpapawalang-bisa ng simbahan at ng Roman Rota ng Vatican.

(Itutuloy)

MISIS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with