Karapatan ng Court of Appeals sa mga menor de edad
IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - August 9, 2020 - 12:00am

Ikinasal sina Pepe at Rica noong Hulyo 7, 1993. Tulad ng ibang mag-asawa, masaya silang nagsama. Nakatira sila malapit sa magulang ni Pepe. Nagkaroon sila ng apat na anak — sina Ron, Jun, Rico at Carla.

Sa kasamaang-palad, naging magulo ang kanilang pagsasama. Noong May 18, 2002, lumayas si Pepe kasama ang tatlong anak na lalaki.

Humingi ng tulong si Rica sa kanyang mga magulang at biyenan, ngunit walang nagawa ang mga ito. Nagreklamo rin siya sa barangay ngunit walang nangyari. Bandang huli, humingi na ng tulong sa korte si Rica. Nagpetisyon siya para maisyuhan ng “writ of habeas corpus” upang utusan si Pepe na ipakita kay Rica ang kanilang tatlong anak na edad 8, 6 at 4.

Dahilan ni Rica, nagulo ang maayos na pag-aaral ng mga bata dahil sa ginawang pag-alis at paglilipat-lipat ng tirahan ni Pepe. Dagdag pa niya, inalisan siya ni Pepe ng karapatan bilang ina ng mga bata. Pinagpapaliwanag din si Pepe kung bakit hindi dapat ibalik kay Rica ang pangangalaga sa mga bata.

Sa umpisa, payag si Pepe sa gusto ni Rica. Bandang huli, nagbago siya ng isip at nakipagmatigasan na sa asawa. Nagkagulo na  sila sa korte. Nagkanya-kanyang sisi sa kung sino ang naunang lumayas at nang-iwan. Pinaratangan ni Pepe na lasengga at hindi mabuting ina si Rica dahil laging ginagabi sa pag-uwi . Paratang naman ni Rica, lasenggo, adik at nananakit si Pepe.

Noong Oktubre 21, 2002, ang Court of Appeals mismo ang naghayag ng desisyon na nagbibigay kay Rica ng pangangalaga kina Jun at Rico (edad 6 at 4).  Si Pepe naman ay binigyan ng karapatan na dalawin ang mga bata. Ang desisyon ukol sa pangangalaga kay Ron na noon ay walong taong gulang na ay ipina­ubaya naman sa maba­bang hukuman.

Kinuwestiyon ni Pepe ang desisyong ito. Katwiran niya, wala raw karapatan ang Court of Appeals na magdesisyon. Dapat daw, ang mga hukuman na laan sa mga usaping pampa­milya o family courts ang magbigay ng hatol. Tama ba si Pepe?

MALI. May karapatan ang Court of Appeals. Kailanman ay hindi inalisan ng Batas Blg. 8369  ang ma­ta­taas na hukuman tulad ng Court of Appeals at Supreme Court  na mag­desisyon ukol sa mga ga­nitong usapin lalo at pa­tungkol sa kapakanan ng mga batang menor de edad.

Ang rason dito — iniiwa­san ng batas ang ganitong sitwasyon tulad ng kaso ni Pepe, kung saan naga­gamit ang simpleng pagli­lipat ng tirahan, at pagta­tago sa iba’t ibang probin­siya upang pahirapan la­mang ang mga korteng tukuyin kung alin sa mga ito ang may jurisdiksyon na humawak sa kaso (Madri­nan vs. Madrinan, G.R. 159374, July 12, 2007).

BATAS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with