^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Apurahin ang bus stops sa EDSA

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL -  Apurahin ang bus stops sa EDSA

Nang umulan noong Biyernes, maraming commuters sa EDSA ang nabasa makaraang bumaba sa carousel bus. Wala silang masilungan sapagkat ang mga bagong bus stop sa gitna ng EDSA ay wala pang masisilungan ng mga sasakay at bababang pasahero. Dahil nasa gitna na ng EDSA ang mga bus stops, kailangan ding tumawid ang mga pasahero para makarating sa kanilang patutunguhan. Hindi pa natatapos ang mga foot bridges na daraanan ng mga taong sasakay at bababa ng bus.

Lalo nang hindi malaman ng mga pasahero ang gagawing pagbaba at pagsakay sa bus sa ilang bahagi ng EDSA sapagkat nasa gitna at maaaring malagay sa panganib ang buhay kapag nabundol ng mga paparating na sasakyan. Ilan sa mga nakakalitong babaan at sakayan sa EDSA ay nasa baha-ging Cubao at Crossing na masyadong malayo ang lalakbayin ng mga pasaherong bababa at sasakay.

Pero sabi ng Metro Manila Development Autho-rity (MMDA) malapit nang matapos ang mga bagong bus stops. Sabi ni MMDA traffic chief Bong Nebrija, malapit nang makumpleto ang 14 na bagong bus stops na nasa gitna ng EDSA. Sa kasalukuyan, walong bus stops pa lamang ang natatatapos at ang mga ito ay malapit sa train stations at foot bridges. Kapag natapos na umano ang mga bus stops, magiging maayos na ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sapagkat mayroon na silang masisilungan. Hindi na mababasa at maaarawan. Mayroon din umanong railings sa bawat bus stop kaya hindi manganganib ang buhay. Ang bawat bus stops ay may mga hagdan na konektado sa train stations. Sa kabuuan, sinabi ni Nebrija na magkakaroon ng 25 bus stops sa kahabaan ng EDSA.

Sinimulan ang pagbabago sa bus stops noong Hunyo 1 makaraan ang dalawang buwan na lockdown sa Luzon, kasama ang Metro Manila, dahil sa COVID-19. Ipinagbawal ang pagbiyahe ng mga bus at iba pang pampublikong sasakyan. Dati, nasa kanan ang mga bus stops na isa sa mga itinuturong dahilan ng trapik sa EDSA.

Ngayong may malaking pagbabago na sa bus stops sa EDSA, inaasahang mababawasan na ang kalbaryo ng mga pasahero sa trapik. Nararapat na apurahin na ang mga bagong bus stops para hindi na mahirapan ang commuters lalo pa’t madalas na palyado ang Metro Rail Transit (MRT). Noong isang linggo, sinuspende ang MRT operations dahil maraming empleado at technician nito ang nagpositibo sa COVID. Sa bus umasa ang commuters. Sana maisaayos pa nang buong husay ang serbisyo ng mga bus sa EDSA.

vuukle comment

MMDA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with