^

PSN Opinyon

Hindi na maitago ang galit

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

ANO ang talagang nangyari? Magkaiba kasi ang bersyon ng pangyayari, depende kung sino ang tatanungin. Ayon sa PNP, nagkaroon ng “misencounter” sa pagitan ng mga pulis at sundalo noong Lunes sa Jolo, Sulu. Patay ang apat na sundalo. Walang namatay o tinamaan sa mga pulis.

Ayon sa bersiyon ng mga pulis, pinahinto nila ang sinasakyan ng mga sundalo sa checkpoint. Nang magpakilala ang mga sundalo na hindi naka-uniporme, pinatungo ang mga pulis sa istasyon para sa beripikasyon. Dito na umano kumaripas ang sasakyan ng mga sundalo kaya hinabol nila. Tinutukan daw sila kaya nagsimula ang putukan.

Ayon naman sa AFP, batay sa mga salaysay ng mga testigo, nagtungo nga ang sasakyan ng mga sundalo sa istasyon. Pero nang bumaba ang isang sundalo na hindi armado, pinaputukan na sila ng mga pulis na sumunod sa kanila. May mga litrato na lumabas na sa media. Kita ang tatlong sundalo na patay sa kalsada. Ang pang-apat ay nasa loob pa ng sasakyan.

Ang napansin ko lang, walang tama ng bala ang likuran ng sasakyan ng mga sundalo. Kung nagsimula ang barilan nang takbuhan sila umano ng mga sundalo, bakit wala man lang tama sa likuran? Napansin ko rin ang lokasyon ng isa sa mga patay. Nasa likuran ng kanyang sasakyan. Kung nagkabarilan, mas lumapit ba siya sa kinalalagyan ng mga pulis? Ako’y nagtatanong lang sa aking mga napansin at hindi ako eksperto tulad ng SOCO.

Galit na galit si Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay sa kahina-hinayang na insidente at hiniling ang NBI na magsimula ng imbestigasyon dahil sa magkaibang bersiyon. Hindi daw hawak ng mga sundalo ang kanilang armas nang barilin sila. Hindi maitago ni Gapay ang kanyang galit. Bakit daw umalis ang mga pulis kung may namatay na nga? At mabilis daw lumabas sa media ang nangyari.

Ngayong may video na lumabas kung saan kitang may kinuha ang mga pulis mula sa mga patay na sundalo. Mali­naw na paglabag sa “preservation of the crime scene”. Mga pulis pa naman ang mga ito. Sigurado mas magagalit pa si Gapay.  

 Sang-ayon naman daw ang PNP sa gagawing imbesti­gasyon. Ang mga pulis na sangkot sa insidente ay nasa ilalim ng kostodiya ng hepe ng Sulu. Hindi ako magtataka kung galit nga si Gapay.

Bakit walang masinsinang koordinasyon mula sa mga pulis at sundalo, lalo na sa lugar tulad ng Sulu kung saan maraming armadong tauhan? May hinahabol daw ang apat na sundalo na miyembro ng intelligence na Abu Sayyaf. Hindi ba alam ng mga pulis iyon? Nakawala tuloy.

Hindi na napigilang magsalita si Gapay. Rubout daw ang nangyari. Kaya nanawagan ng command responsibility­ sa mga hepe ng PNP sa rehiyon. Naungkat nga muli ang pag­patay kay Winston Ragos sa kamay ng pulis. Wala raw “situa­tional awareness and threat analysis” ang ilan sa PNP at basta nagpapaputok na lang.

Nakikiusap naman si Sen. Panfilo Lacson kay Gapay na huwag hayaang umiral ang kanyang emosyon sa insi­­dente. Siguro nga pero masisisi ba ang mga sundalo ngayon para sa kanilang galit?

vuukle comment

AFP

PNP

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with