EDITORYAL- Agriculture department tulungan ang mga magsasaka
(Pilipino Star Ngayon) - March 30, 2020 - 12:00am

Isa sa mga apektado ng lockdown sa Luzon ay ang mga magsasaka. Hindi nila mailuwas o madala sa palengke ang mga ani nilang gulay, prutas at iba pang pagkain. Hinaharang sila sa checkpoint. Kahit pa magpumilit sila, mahigpit ang mga pulis at sundalo at wala silang magawa. Sabi ng mga sundalo at pulis, ginagawa lang nila ang utos para hindi kumalat ang COVID-19.

Ang resulta, nabubulok ang maraming gulay katulad ng carrots, pipino, talong, sitaw, sili, saging, papaya, at iba pang prutas at gulay.

Sa isang post sa Facebook, maraming carrots na nakakarga sa isang pickup truck ang itinapon na lamang sa isang bangin sa Cordillera dahil nabubulok na. Ang ibang maaari pang pakinaba-ngan ay ipinamigay na lamang sa mga tao. Hindi na naibenta sa palengke dahil nga hindi makalampas sa checkpoint.

Ang mga magsasaka naman sa Louisiana, Laguna ay problemado sa inani nilang talong, sitaw, sili at pipino. Kapag hindi raw nila ito nadala sa palengke ay mabubulok lamang ang mga ito at wala silang kikitain. Luging-lugi sila. Hindi umano ito makukuha ng mga dealer dahil hindi pinalalampas sa checkpoint. Sana raw ay matulungan sila ng gobyerno sapagkat wala silang kikitain. Dapat daw ay hindi hinaharang sa checkpoint ang mga pagkain gaya ng gulay, prutas at bigas.

Malinaw naman ang sinasabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi dapat pigilin ang cargo truck ng pagkain gaya ng bigas, gulay, prutas, itlog at livestock. Magugutom ang mamamayan kapag pinigilan ang mga ito sa checkpoint. Pero sa kabila ng kautusan marami pa rin sa mga nagmamando sa checkpoint ang ignorante sa kautusan o kailangan pang ‘‘maglagay’’.

Nararapat namang kumilos ang Department of Agriculture (DA) sa nangyayaring ito sa mga magsasaka na hindi mailuwas ang kanilang ani. Mag-provide ang DA ng mga truck para sunduin ang mga gulay o di kaya’t sila na mismo ang mamakyaw ng mga ani ng magsasaka at saka dalhin sa mga pamilihan lalo sa Metro Manila na mas nangangailangan ng pagkain. Ayudahan ang mga magsasaka para maideliber ang kanilang ani. Sayang ang mga gulay at prutas kung mabubulok.

DA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with