Pagrebisa sa kasaysayan: Mabibigo ang sabwatan
ITINANGHAL nu’ng Enero 29 sa U.P. Film Center at sa Cultural Center of the Philippines ang documentary “The Kingmaker”. Bisperas nu’n ng ika-50 taong anibersaryo ng First Quarter Storm of 1970. Enero 30, 1970, nu’ng, sa indignation rally sa Malacañang dahil sa pagpatay ng riot police sa tatlong demonstrador nu’ng naunang linggo, unang sumigaw ang mga radikal na kabataan: “Ibagsak ang imperyalismo! Ibagsak ang piyudalismo!
Ibagsak ang burokrata-kapitalismo! Durugin ang pasismo!” Makalipas ang kalahating siglo isyu pa rin ang pambubusabos ng dayuhan sa Pilipinas. Bagong anyo ng piyudalismo ang political dynasties -- mga aristokrata -- sa bawat siyudad at probinsiya. Nanatili ang lumang oligarkiya. At nanunumbalik ang authoritarian rule.
Si Imelda Romualdez Marcos ang tinuturing na “Kingmaker”. Sinulat at dinirek ni Lauren Greenfield, binalikan ang pag-angat sa pulitika ng dating First Lady. Bakit “Kingmaker”? Nagawa ni Imelda na Presidente ang asawang Ferdinand Marcos, at muntik nang maging VP ang anak na si Ferdinand “Bongbong” Jr. At nag-asal reyna siya ng Pilipinas, 1965-1986, sa karangyaan.
Halimbawa ng paghahari-hari: pinalayas nila ang mga katutubo sa Calauit, Palawan, para lamanan ang isla ng mga giraffe, zebra at gazelles mula Africa na pinagpapraktisan nilang mag-hunting.
Sa bersiyon ni Imelda, ina siya ng mundo sa kabutihan at kagandahan. Pero isiniwalat ng mga ibang in-interview sa docu ang kasakiman at sigalot na idinulot niya sa bayan. Paulit-ulit siya na wala siya ni isang kusing na kinulimbat. Pero sa isang bahagi ibinida niya na meron siyang 167 bank accounts.
Naglalaman ‘yon ng $30 bilyon, kaya tinutugis ng ilang natitirang matanda nang aktibista na lumahok sa FQS-1970. Mahigit 35,000 ang ikinulong sa martial law nina Marcos, at 3,000 ang pinatay. Sinisikap ni Imelda baguhin ang kasaysayan at baluktutin ang katotohanan. ‘Yan ay bagamat pinatalsik sila ng People Power Revolt ng Peb. 22-25, 1986, 34 na taon na ang lumipas.
- Latest